Piyesa para Sa Elementarya
Piyesa para Sa Elementarya
Piyesa para Sa Elementarya
Department of Education
Region V
Schools Division of Sorsogon
SANDOSENANG SAPATOS
ni Luis P. Gatmaitan, M.D.
Sapatero si Tatay. Kilalang-kilala ang mga likha niyang sapatos dito sa aming bayan. Marami
ang pumupunta sa amin para magpasadya. Ayon sa mga sabi-sabi, tatalunin pa raw ng mga sapatos ni
Tatay ang mga sapatos na gawang-Marikina. Matibay, pulido, at malikhain ang mga disenyo ng
kanyang mga sapatos.
“Paano mo ba naiisip ang ganyang istilo? Kay ganda!”
“Siguro, dinadalaw ka ng musa ng mga sapatos at suwelas.”
“Parang may madyik ang iyong kamay!”
Sa lahat ng papuri, matipid na ngingiti lamang si Tatay. Tahimik na tao si Tatay. Bihirang
magsalita.
Lumaki akong kapiling ang mga sapatos na gawa ni Tatay. Madalas ay kinaiinggitan ako ng
mga kalaro at kaklase ko. Buti raw at sapatero ang Tatay ko. Lagi tuloy bago ang sapatos ko kapag
pasukan, kapag pasko, kapag bertdey ko, o kung nakatanggap ako ng honors sa klase. Ginagawan pa
niya ako ng ekstrang sapatos kapag may mga tira-tirang balat at tela.
“Buti ka pa Karina, laging bago ang sapatos mo. Ako, lagi na lang pamana ng ate ko. Sa ‘kin
napupunta lahat ng pinagkaliitan n’ya,” himutok ng isang kaklase.
Nasa Grade II na ako nang muling magbuntis si Nanay. Kay tagal naming hinintay na
magkaroon ako ng kapatid. Sabi ng Lola ko, sinagot na raw ang matagal nilang dasal na masundan
ako.
“Naku, magkakaroon na pala ako ng kahati sa mga sapatos! Pero di bale, dalawa na kaming
igagawa ni Tatay ng sapatos ngayon.”
Habang nasa tiyan pa si baby, narinig kong nag-uusap sina Tatay at Nanay.
“Nagpa-check up ako kanina. Sabi ng doktora, babae raw ang magiging anak natin!”
“Talaga! Kung babae nga, pag-aralin natin ng ballet . Gusto kong magkaanak ngballet dancer
! Ngayon pa lang ay pag-aaralan ko nang gumawa ng mga sapatos na pang- ballet .”
Pero hindi lahat ng pangarap ni Tatay ay natupad. Nagulat kaming lahat nang makita ang bago kong
kapatid. Wala itong paa. Ipinanganak na putol ang dalawang paa!
Nakarinig kami ng kung ano-anong tsismis dahil sa kapansanan ng kapatid ko. Siguro raw ay binalak
na ipalaglag ni Nanay ang kapatid ko kaya kulang-kulang ang parte ng katawan. Nilusaw raw ng mga
Balogo Sports Complex, Sorsogon City, Sorsogon 4700
Landline: (056) 421-5415
Email: sorsogon@deped.gov.ph
Website: depedsorsogon.com.ph
mapinsalang gamot ang kanyang mga paa. Isinumpa raw ng mga diwata ng sapatos si Tatay dahil
mahal na itong sumingil sa mga pasadyang sapatos. O baka raw ipinaglihi si Susie sa manika.
“Nanay, bakit po ba walang paa si Susie?”
“Nagkaroon kasi ako ng impeksyon anak. Nahawa ako ng German measleshabang ipinagbubuntis ko
pa lang ang kapatid mo. At.iyon ang naging epekto,” malungkot na kuwento ni Nanay.
Hindi na magiging ballet dancer ang kapatid ko. Malulungkot si Tatay. Araw-araw, ganu’n ang
naiisip ko kapag nakikita ko ang mga paa ni Susie. Kaya pinilit ko si Nanay na muling pag-aralin ako
sa isang ballet school (dati kasi, ayaw kong mag-ballet). Pero.
“Misis, bakit hindi n’yo po subukang i-enrol si Karina sa piano, o sa painting, o sa banduria class?
Hindi yata talagang para sa kanya ang pagsasayaw,” sabi ng titser ko sa Nanay ko.
Nalungkot ako. Hindi para sa aking sarili, kundi para kina Tatay at Susie, at sa mga pangarap na
masyadong mailap.
Saksi ako kung paanong minahal siya nina Tatay at Nanay. Walang puwedeng manloko kay Bunso.
Minsan, habang kami ay nagpipiknik sa parke, may isang mama na nakakita kay Susie.
“Tingnan n’yo o, puwedeng pang-karnabal ‘yung bata!” turo nito kay Susie.
Biglang namula si Tatay sa narinig. Tumikom ang mga kamao. Noon ko lang nakitang nagsalubong
ang mga kilay ni Tatay. Muntik na niyang suntukin ito. “Ano’ng problema mo, ha?”
Mabuti’t napigilan siya ni Nanay.
Isang gabi, habang nakahiga kami sa kama , narinig kong kinakausap ni Tatay si Susie.
“Anak, hindi baleng kulang ang mga paa mo. Mas mahalaga sa amin ng Nanay mo na lumaki kang
mabuting tao.at buo ang tiwala sa sarili.” Masuyo niya itong hinalikan.
Hindi tumigil si Tatay sa paglikha ng sapatos para sa akin. Pero napansin ko, kapag sinusukatan niya
ang paa ko, napapabuntung-hininga siya. Pagkatapos ay titingin sa kuna.
“Sayang, Bunso, di mo mararanasang isuot ang magagarang sapatos na gawa ni Tatay.” bulong ko sa
kanya.
Lumaki kami ni Susie na malapit ang loob sa isa’t isa. Hindi naging hadlang ang kawalan niya ng paa
para makapaglaro kami. Marami namang laro na di nangangailangan ng paa. Lagi nga niya akong
tinatalo sa sungka, jackstone ,scrabble, at pitik-bulag. Ako ang tagapagtanggol niya kapag may
nanghaharot sa kanya. Ako ang tagatulak ng wheelchair niya. Ako ang ate na alalay!
Noon ko natuklasan na marami kaming pagkakatulad. Parehong magaling ang aming kamay kaysa
aming mga paa. Ako, sa pagpipinta. Siya, sa pagsusulat ng mga kuwento. At oo nga pala, si Tatay,
kamay rin ang magaling sa kanya!
Minsan, ginising ako ni Susie. Sabi niya, nanaginip siya ng isang pambihirang sapatos. Napakaganda
raw nito sa kanyang mga paa.
“May paa siya sa panaginip?” gulat na tanong ko sa sarili.
“Maniwala ka, Ate, kay ganda ng sapatos sa panaginip ko. Kulay dilaw na tsarol na may dekorasyong
sunflower sa harap!”
Magbebertdey siya noon . At napansin ko, tuwing nalalapit na ang kanyang kaarawan, nananaginip
siya ng mga sapatos.
“Ate, nanaginip na naman ako ng sapatos. Kulay pula ito na velvet at may malakingbuckle sa
tagiliran.”