Nothing Special   »   [go: up one dir, main page]

Filipino

Download as pdf or txt
Download as pdf or txt
You are on page 1of 17

i

Introduksiyon

Ang “Balangay” ay isang sinaunang sasakyang pandagat na ginamit ng mga sinaunang


Filipino sa paglalakbay. Pinaniniwalaan na sakay ng bangkang ito ang mga unang katutubong
Filipino na nanirahan sa kapuluan ng Pilipinas bago ang panahon ng pananakop. Patunay ang
pamanang kultural na ito sa kasanayan ng mga sinaunang Filipino sa paglalayag. Maituturing ding
sagisag ng kulturang Filipino ang Balangay bilang ambag sa kamalayan ng mga Filipino sa
kanilang pagkakakilanlan.

Tulad ng paglalakbay gamit ang Balangay ang paggamit sa modyul na ito. Dinisenyo ito
ayon sa isang organisadong pagtamo ng mga inaasahang kaalaman at kasanayan na lilinangin ng
paglalayag sa Komunikasyon at Pananaliksik sa Wika at Kulturang Filipino para sa unang semester
ng mga mag-aaral sa Baitang 11. Tampok dito ang sumusunod na mga yugto ng pagkatuto na
nakaayon sa anim na “E” ng pagkatuto:

a) Sipat-tanglaw – Sa pagsisimula ng paglalakbay ay sinisipat o tinatanaw ng manlalakbay


ang kanyang paroroonan. Nakalahad sa bahaging ito ang mga layunin ng aralin na
nagsisilbing tanglaw sa pagsasagawa at pagtamo ng mga ng mga kasanayang dapat
malinang sa bawat mag-aaral.
b) Balik-tanaw – sa bahaging ito binabalikan ang dating kaalaman ng mga mag-aaral na
may kaugnayan sa paksa. Magtutulay ang gawain sa bahaging ito sa bagong
impormasyon na kanilang makakalap. Mahalagang mabalikan o lingunin ang mga
dating kaalaman upang makarating sa paroroonan o ang mga layunin.
c) Laot-kamalayan (Engage) – sa pagsisimula ng paglalayag ay mahalagang maipalaot
ang interes at kamalayan ng mga mag-aaral sa pagtalakay ng aralin. Inaasahang ang
gawain nakalahad sa bahaging ito ay gaganyak sa mga mag-aaral na taimtim na pag-
aralan ang paksa.
d) Layag-kaisipan (Explore) – Sa paglalayag ng kaisipan ay nakakakalap ng mga kapaki-
pakinabang na kaalaman at karanasan. Inilalahad sa bahaging ito ang mga
impormasyong nasaliksik upang lubos na maikintal sa mga mag-aaral ang
kahalagahan ng paksang pinag-aaralan at upang lubos na magalugad ang mga idea
at konseptong nakapaloob sa paksa.
e) Gaod-katuturan (Explain) – Upang patuloy sa pag-usad ang Balangay ay kailangan ng
paggaod. Maipapakita ng mga mag-aaral ang kanilang pagkaunawa sa paksa sa
pagsagot sa mga gawaing nakalaan sa bahaging ito ng modyul.
f) Lambat-halagahan (Elaborate) – Sa bahaging ito binibigyang pagkakataon ang mga
mag-aaral na ipalamas ang pag-unawa sa nalambat na halagahan (values) sa
pamamagitan ng mga gawaing magpapatotoo rito. Kaanlisabay ng paglinang ng
katalinuhan ay ang paglinang din ng halagahan.
g) Salok-kaalaman (Evaluate) – Sa bahaging ito ay tatayahin ang mga natutuhang
kaalaman sa pamamagitan ng pagsusulit o gawain.

ii
h) Daong-karunungan (Extend) - Sa pagdaong ng Balangay o ang pagtatapos ng aralin,
mahalagang magkaroon ang repleksiyon ang mga mag-aaral sa mga yamang-
karunungan na kanilang nakalap sa aralin. Inaasahang mailipat ng mga mag-aaral ang
karunungang ito sa realidad ng buhay upang magsilbing makabuluhang karanasan na
kanilang dadalhin sa kanilang buhay.

Ang mga gawain sa modyul na ito ay lumalayon na maiangat ang antas ng kamalayang
pangwika at madevelop ang kakayahang komunikatibo ng mga mag-aaral sa Baitang 11.
Humahamon ito sa mas mataas na pagkatuto ng mga konseptong pangwika at paglinang sa mga
kakayahang hinihingi ng kasalukuyang panahon. Isinasaalang-alang din ang ilang inobasyon at
bagong kaalaman sa pagbuo ng naturang materyal upang higit na mapatibay ang kalidad ng
pagtuturo at pagkatuto sa disiplinang Filipino.

iii
PANGALAN: KORINA JONES M. CAYABYAB

SEKSIYON:GRADE 11 ABM

Dinisenyo at sinulat ang modyul na ito para sa iyo. Narito ito upang tulungang kang
maunawaan ang mga konseptong pumapaksa sa wika. Iniangkop ang wikang ginamit dito sa
antas ng iyong pag-unawa bilang mag-aaral. Napakalahaga na matutuhan mo kung ano ang wika
at ang ambag nito sa kabuoang karanasan mo bilang isang indibidwal ng iyong kinabibilangang
lipunan. Sa paggamit mo ng modyul na ito, matutuklasan mo rin kung bakit mahalaga ang
pagkakaroon ng wikang pambansa sa isang bansang maraming wika.

Paano gamitin ang modyul na ito?

Magandang araw sa’yo kawika! Maaaring bago sa iyong pag-aaral ang paggamit ng
materyal na ito. Ang bawat paksa ng aralin ay hinati-hati sa iba’t ibang serye ng gawain. Ang mga
gawain ay mahalaga dahil ito ay nakaprogramang matulungan ka para sa iyong mabisang
pagkatuto. Ang bawat paksa ay naglalahad ng bagong impormasyon. Ang bawat serye ay
naghahain ng gawaing pampagkatuto na hihingi ng tugon mula sa iyo.

Magiging kapaki-pakinabang ang paggamit mo sa materyal na ito kung susundin mo ang


ilang panuto para sa makabuluhang pag-aaral. Magbibigay fidbak ang modyul na ito sa
pamamagitan ng mga sagot na maaari mong hingiin sa iyong guro. Huwag kang mag-aalala kung
marami kang pagkakamali dahil sa taimtim mong pagbabasa ay matutulungan ka nitong linawin
ang ilang malabong konsepto. Kung mali ang sagot mo, basahing muli ang aralin hanggang sa
maunawaan mo ang iyong pagkakamali at saka magpatuloy.

Ituring mong isang mabuting kaibigan ang modyul na ito. Ang TAPAT na kaibigan ay
pinagkakatiwalaan. Kung kaya, inaasahan na sa paggamit mo nito ay maging tapat ka rin sa
pagsagot at pagwawasto. Isang masayang paglalakbay gamit ang Balangay kawika!

Pagkatapos mong pag-aaralan ang modyul na ito, ikaw ay inaasahang:

1) nakabubuo ng sariling pagpapakahulugan sa wika;


2) natutukoy ang kahulugan, katangian, at kalikasan ng wika;
3) naibabahagi ang sariling kaalaman, pananaw, at karanasan sa mga konseptong
pangwika; at
4) naiuugnay ang mga konseptong pangwika sa iba’t ibang sitwasyong
pangkomunikasyon.

1
Ano ang nalalaman mo? (PRE-TEST)

TAMA o MALI. Suriin ang bawat pahayag. Isulat ang TAMA sa loob ng kahon kung wasto at
MALI naman kung hindi.

MALI 1. Lahat ng wika ay nakabatay sa salita.


MALI 2. Hindi kailangan ng wikang pambansa.
TAMA 3. Lahat ng wika ay nahahaluan ng ibang wika.
MALI 4. Walang sistema ang balangkas ng isang wika.
MALI 5. Ang wikang pambansa ng Filipinas ay Tagalog.
MALI 6. Walang tiyak na kaugnayan ang wika at kultura.
TAMA 7. Multikultural at multilingguwal ang bansang Filipinas.
TAMA 8. Filipino ang kasalukuyang tawag sa wikang pambansa.
MALI 9. Ang Pangasinan at Ilocano ay maituturing na diyalekto.
MALI 10. Ang wikang pambansa lamang ang maituturing na wika.
TAMA 11. Pinagkakasunduan ang wika ng mga taong gumagamit nito.
TAMA 12. Maaaring mamatay ang wika kung wala ng gumagamit nito.
MALI 13. Español at Ingles ang dalawang opisyal na wika ng Filipinas.
TAMA 14. English at Filipino lamang ang wikang ginagamit sa pagtuturo.
TAMA 15. Ang wika ay hindi dependent sa pakikinig at pagsasalita lamang

Gamit ang Krosword Kaugnayan ay buoin mo ang mga salitang nasa kaliwa sa
pamamagitan ng paghahanap ng mismong salita sa kahon. Pagkatapos ay gamitin ang mga
salitang nabuo upang gumawa ng sariling pagpapakahulugan sa wika.

A B D X W Y U R W I K A
B _E H _ K _ _L O
I U
K _A I _S I _P _A N V D A E P D X F Y N V S
K O M U N I K A S Y O N
A P D A T D D Z Y L K A
K _O M _U N _I K _A S _Y _O N I D_ E _A
I Q A C H E S R T Z Y S
N S R M S P A S U L A T Y
P _A _S _A L _I T _A I V I X A S L T Q V V O
D A_ M _D A _M I N
P Z N Q U L S A E X L N
_
A C A U Y I I R G V J A
M A_ H A_ L _A _G A P _A _S _U L _A T N U L A Z N M T C A O I
B E H I K U L O A Z U F

2
Gamit ang mga salitang nabuo ay ibigay ang iyong pagpapakahulugan sa wika. Gamitin
ang lahat ng salitang natukoy. Isulat ang sagot mo sa kahon sa ibaba.

Ang wika ay isang mahalagang behikulo ng komunikasyon na nagpapahayag ng idea, kaisipan at


damdamin sa pasulat at pasalitang pamamaraan.

Mahusay kawika! Napakaraming pagpapakahulugan hinggil sa wika. Maaaring teknikal o


simboliko ang pagpapakahulugan ng ilang eksperto at iskolar sa bagay na ito. Tuklasin
mo nang may sigasig!

Araw-araw nating ginagamit ang wika subalit hindi natin ito madalas na napag-uusapan.
Naisip mo na ba kung walang wikang ginagamit ang mga tao? Anong mga karaniwang eksena sa
buhay ng tao ang mababago kung walang wika? Maglista ng tatlong pangyayaring magaganap
sa mundo kung walang wika. Isulat ang iyong sagot sa loob ng kahon.

Kung walang wika ay maaaring wala tayong pagkakaisa o pagkakaunawaan sa isa't-isa.


Kung wala ito ay hindi natin maipapahayag ang ating mga idea, damdamin at kaisipan sa isa't-isa.
Kung walang ginagamit na wika ay wala ding pamayanan na mabubuo.

Ano nga ba ang wika?

Wika ang pinakamahalagang instrumento ng komunikasyon. Ang kakayahang gumamit


ng wika ay nagbubukod sa tao sa iba pang nilalang ng daigdig. Nagagawa ng taong maipahayag
ang kanyang kaisipan, damdamin, at mithiin sa buhay pasalita man o pasulat gamit ang wika.

Ayon sa Oxford Languages, ang salitang “wika” o “language” sa Ingles, ay nagmula sa


matandang salitang Pranses na “langage” na nangangahulugang “mga salita, sinabi, talastasan,
pag-uusap.” Nakabatay ito sa wikang Latin na “lingua” na nangangahulugang “dila.” Ang mga
salitang Hebreo at Griyego para sa “dila” ay nangangahulugang “wika.” Mapapansin na sa
maraming wika ay “dila” ang pakahulugan sa salitang wika sa kadahilanang mahalagang bahagi
ng pagsasalita ang dila.

3
Maraming pakahulugan sa wika ang iminungkahi ng mga tanyag na iskolar. Ayon kay
Henry Allan Gleason, Jr., isang lingguwista at propesor sa University of Toronto, ang wika ay
masistemang balangkas ng mga tunog na pinipili at isinasaayos sa paraang arbitraryo upang
magamit ng mga taong nabibilang sa isang kultura.

Ayon naman kay Robert Henry Robins, emeritus professor ng General Linguistics ng
University of London, ang wika ay sistema ng kumbensiyonal na pasalita, pasagisag, o pasulat na
simbolo na ginagamit ng mga tao upang ipahayag ang kaniyang sarili, bilang miyembro ng isang
grupong sosyal at kabahagi ng isang kultura.

Binigyang-pakahulugan naman sa UP Diksiyonaryong Filipino ang wika bilang lawas ng


mga salitâ at sistema ng paggamit sa mga ito na laganap sa isang sambayanan na may iisang
tradisyong pangkultura at pook na tinatahanan. Bukod pa, ito ay sistema ng tunog na gumagamit
ng arbitraryong senyas sa pinagkaisahang paraan at pakahulugan.

Sa depinisyon naman nina Pamela C. Constantino at Galileo S. Zafra, ang wika ay isang
kalipunan ng mga salita at ang pamamaraan ng pagsasama-sama ng mga ito para magkaunawaan
o makapag-usap ang isang grupo ng mga tao.

Sa teknikal na pakahulugan ng wika sa pangkalahatan ay isa itong kalipunan ng mga salita


at mga pamamaraan ng pag-uugnay-ugnay sa mga iyon ayon sa pagkaunawa ng isang grupo ng
mga tao. Ang wika rin ay may malapit na pagkakaugnay sa pag-iisip. Kaya naman ayon kina Bruce
M. Rowe at Diane P. Levine, ang wika ay nananahan sa isipan – ang utak. Hindi ito dependent sa
pakikinig o pagsasalita. Ang mga taong hindi nakapagsasalita ay gumagamit ng silent languages
na nakabatay sa galaw ng mga kamay at katawan.

Sa mga simbolikong pagpapakahulugan naman ng wika, inihalintulad ni Bienvenido


Lumbera ang wika sa paghinga dahil sa bawat sandali ng ating buhay ay narito ito. Palatandaan
ito na buhay ang isang tao, at may kakayahang umugnay sa kapuwa tao na gumagamit din dito.
Gumagamit tayo ng wika upang kamtin ang bawat pangangailangan natin.

Batay naman sa pananaw ni Noam Chomsky, isang tanyag na Amerikanong lingguwista,


ang wika ay hindi lamang mga salita. Ito ay kultura, isang tradisyon, ang pagkakabuklod ng isang
komunidad, ng isang buong kasaysayan na lumilikha sa kung ano ang komunidad. Lahat ng ito’y
kinakatawan ng wika. Ayon pa sa kanya, hindi lamang para sa “komunikasyon o talastasan” ang
layunin ng paggamit ng wika. Ito rin ay ginagamit sa pagbuo at pagpapatibay ng relasyon ng mga
tao, upang magpahayag at linawin ang kaisipan, sa laro, sa malikhaing gawaing pangkaisipan,
upang magtamo ng pagkakaunawaan, at marami pang iba.

Hindi makagagalaw ang tao kung wala ang wika bilang kasangkapan ng komunikasyon.
Napag-usapan natin na hindi lamang tunog at salita ang wika, napakarami nitong ambag sa
development ng mga tao sa lipunan. Sinasabing makapangyarihan ang wika at may kakayahan
itong bumuo at maminsala. Dahil ito nga ay kapangyarihan at lahat ng tao ay pinagkalooban ng
kakayahang gumamit ng wika, sa anong hangarin mo ginagamit ito?

4
Ano ang mga katangian at kalikasan ng wika?

Batay sa mga pakahulugan na nabasa, mahahango ang sumusunod na mga katangian at kalikasan
ng wika:

1) May sistematik na balangkas


Nagsisimulang magamit ang wika sa talastasan sa pamamagitan ng paglikha ng
mga tunog o speech sounds. Ponetika ang tawag sa pag-aaral ng mga tunog na ginagamit
sa pagsasalita. Ang mga ponema o makahulugang tunog sa wika ay may sinusunod na
sistema ng pagkakaayos. Ponolohiya ang tawag sa pag-aaral ng sistema ng mga tunog sa
isang wika. Ang mga ponemang pinagsama-sama ay makabubuo ng salita na may
kahulugan. Ang morpema naman ang pinakamaliit na yunit ng salita at morpolohiya ang
tawag sa pag-aaral sa istruktura at klasipikasyon ng mga salita. Ang mga salita kapag
pinagsama-sama sa gabay ng ilang tuntunin ay nakabubuo ng mga sugnay, parirala, at
pangungusap. Sintaks ang tawag sa antas ng gramatika na tumutukoy sa pagkakaayos ng
mga salita at morpema sa paglikha ng mga pangungusap. Semantika naman ang pag-
aaral sa kahulugan ng mga morpema, salita, parirala, sugnay, at mga salita. Kapag ang
mga taong nag-uusap ay nakapagpapalitan ng makabuluhang pangungusap, ibig sabihin
ay may nagaganap ng diskurso sa loob ng isang tiyak na konteksto. Pragmatika naman
ang tawag sa pag-aaral kung paano nakaaapekto ang konteksto sa kahulugan.

2) Sinasalitang tunog
Lahat ng wika ay nakabatay sa tunog. Maraming tunog ang maaaring malikha ng
tao subalit hindi lahat ng tunog ay makabuluhan. Nagiging makabuluhan lamang ang
tunog kung nagbibigay ito ng senyales ng pagkakaiba sa kahulugan kapag ipinalit sa
ibang tunog. Halimbawa, ang salitang “balang” kapag pinalitan ang ponemang /b/ ng
ponemang /g/ nagiging “galang” ito na may pagbabago sa baybay at kahulugan. Ibig
sabihin ang mga tunog na /b/ at /g/ ay makabuluhan.

3) Pinipili at isinasaayos
Upang mabisang magamit sa komunikasyon ang wika ay kinakailangang piliin at
isaaayos ang mga salitang gagamitin. Maaaring kontrolin ng tao ang paggamit niya ng
wika sa pagsasaalang-alang ng konteksto ng usapan. May mga pagkakataon din na
walang kamalayan ang tao sa paggamit niya ng wika na maaaring makaapekto sa kalidad
ng talastasan.

4) Arbitraryo at pinagkasunduan
Walang tiyak na lohika o tuntunin ang sinusunod upang iugnay ang mga
simbolikong porma ng isang salita sa kahulugan nito. Random lamang ang pagpili ng
salita at walang tiyak na dahilan sa pagbuo nito. Halimbawa, ang salitang “aklat” ay
tumutukoy sa anumang manuskrito o limbag na manuskritong binigkis at nilagyan ng
proteksiyong pabalat (UP Diksiyonaryong Filipino, 2001). Walang katangian sa ispeling,

5
bigkas, o anyo ng salitang “aklat” para maging angkop itong gamitin para rito. Bagaman
arbitraryo ay mahalaga pa rin na pinagkasunduan ng mga mananalita ang tungkol sa
gamit nito sa layunin ng pagkakaunawaan. Dahilan din ng pagiging natatangi o unique ng
bawat wika ang pagiging arbitraryo nito.

5) Tumatagal at patuloy na ginagamit


Ang matagal na paggamit ng wika ay tanda na kaya nitong tugunan ang mga
pagbabago. Nananatiling buhay at umuunlad ang wika kapag ito ay patuloy na ginagamit
at naisasalin sa susunod na henerasyon ng mananalita.

6) Dinamiko at bukas sa pagbabago


Malusog ang isang wika kung patuloy na nadaragdagan ang talasalitaan nito.
Bagaman may mga salitang naluluma at hindi na ginagamit ay may mga bagong likhang
salita ang tumutugon sa pangangailan ng taong gumagamit nito. May mga paraan ayon
kay Virgilio Almario (2018) kung paano nakalilikha ng bagong salita. Una rito ang
paggamit ng panlapi. Napakayaman ng panlapi ng wikang Tagalog kaya’t nakalilikha ng
iba’t ibang anyo ng salita, pansinin ang salitang-ugat na “ulo” na maaaring lapian at
maging pangulo, mag-ulo, pampangulo, pampanguluhan, uluhin at iba pa. Isa pang
popular na paraan ng paglikha ng salita ay ang pagdidikit ng mga salita upang bumuo ng
bagong kahulugan gaya ng agaw-bugay para sa naghihingalo, pulis-patola para sa walang
kuwentang pulis dahil patola sa halip na batuta ang hawak, patay-gutom para sa walang
tiyak na ikinabubuhay (Almario, 2018).

May mga salita rin na maaaring nag-iiba ang kahulugan o ‘di kaya’y napapalitan sa
pagdaan ng panahon, halimbawa, hindi na ginagamit ang “kalupi” dahil mas popular na
ginagamit ang “pitaka” sa kasalukuyan. Bunga na rin ng pagiging malikhain ng tao na
dulot ng karanasan ay nagkakaroon ng mga di-karaniwang anyo ng wika gaya ng “Baliktad
Tagalog” na nauso noong dekada ’70 at ’80 na naging popular sa mga kabataan.
Halimbawa nito ay ang “jeprox” (project) “erpat” (father) “ermat” (mother) at mga popular
sa kasalukuyan gaya ng “lodi” (idol), werpa (pawer), petmalu (malupet) at iba pa.

7) Dumaraan sa proseso ng panghihiram


Walang wika ang maituturing na puro. Ang lahat ng wika ay dumaraan sa proseso
panghihiram sa ibang wika. Isa itong magaan at mabilis na paraan ng pagpapayaman sa
wika ayon kay Virgilio Almario (2018). Mababakas ito sa mga karaniwang salitang Tagalog
gaya ng sapatos (zapatos), ubas (uvas), oras (horas), kandila (candela), kusina (cocina),
bintana (ventana), kampana (campana), kotse (coche) at maraming pang salitang hiram
mula sa wikang Español ang bahagi na ng ating pang-araw-araw na talastasan. Gayundin,
ang mga salitang istambay (stand by) at peke (fake) na mula naman sa Ingles. May mga
katawagan tulad ng “amalgamasyon” o paghahalo-halo ng iba’t ibang kultura ang
nababakas sa ating wika (Empaynado, 2019). Sa kasalukuyan, malaking porsiyento ng

6
salitang hiram na nasa ating dila ay Ingles dahil sa laganap na impluwensiya ng kulturang
kanluranin. Dahil na rin sa pagmamadali ng modernong komunikasyon, nagiging pag-
antala ang paglikha ng pantumbas sa bawat banyagang mensaheng dumarating (Almario,
2018).

8) Nakabatay sa Kultura
Ang mundo sa bawat lipunan ay magkakaiba. Sa pag-aanalisa, ang pagsasalita ng
wika ay pag-aangkin ng isang kultura. Ayon sa antropologo at lingguwistang si Edward
Sapir ay walang dalawang wika ang magkatulad sa paraang kanilang irerepresenta ang
isang lipunan. Sa madaling salita, hindi maaaring katawanin ng mga wikang Ingles at
Español ang kaakuhan ng kulturang Filipino dahil hindi likas ang mga wikang ito sa
pagsasalita ng mga Filipino.

Bakit sinasabing magkabuhol ang wika at kultura?


Ang kultura ay kabuoan ng isip, damdamin, gawi, kaalaman, at karanasan na nagtatakda
ng maangking kakanyahan ng isang tao. Ang wika naman ang impukan-kuhanan ng isang kultura.
Ito ang batis-ipunan at salukan ng kaisipan ng isang kultura (Salazar, 1996). Hindi maaaring
paghiwalayin ang wika at kultura dahil malaki ang ambag ng pagpapayabong ng kultura sa pag-
unlad ng wika. Ang wika ang nagsisilbing repositori ng kaisipan, karanasan, at karunungan ng
mga taong nabibilang sa isang tiyak na kultura. Kung kaya, sa pag-aaral ng wika ay kaanlinsabay
na napag-aaralan din ang kultura. Isang halimbawa, ang “cañao” ay isang ritwal na isinasagawa
ng mga katutubo sa Cordillera, walang partikular na salita ang maaaring gamitin upang direktang
tumbasan ang salitang ito sa anumang wika dahil hindi ito bahagi ng kultura ng ibang pangkat-
etniko o lahi. Ang mga salitang usog, kilig, pasalubong, sayang, lambing, basta, lihi, alimpungatan,
pambahay, gigil, tampo, baduy, bitin, pasma, at kulit ay walang direktang salin sa Ingles dahil ito
ay hindi sumasaklaw sa paniniwala, karanasan, at ugali ng mga katutubong tagapagsalita ng
wikang nabanggit.

Multilingguwal ang Filipinas dahil sa taglay nitong 185 na mga buhay na wika batay sa tala
ng Ethnologue taong 2019. Nangangahulugan lamang na kaakibat ng pagiging multilingguwal
ang pagkakaroon ng maraming kultura o multikultural. Sa pagdaan ng panahon ay maaaring
magkaroon ng pagbabago sa kultural na aspekto ang isang pamayanan na nagdudulot din ng
pagbabago sa wika. Ang tuluyang paglaho ng isang kultura ay tanda ng pagkawala ng isang wika.
Ang lingguwistang si Ken Hale na nag-aral sa maraming wikang nanganganib at nakatuklas sa
epekto ng pagkawala ng wika, ay inihalintulad ang pagkawala ng wika sa pagpapasabog sa isang
museo: “Kapag naglaho ang iyong wika, ay maglalaho ang iyong kultura, ang kayamanang
intelektuwal, isang likhang-sining. Para itong pagpapasabog ng bomba sa isang museo.” Ang
museo ay pinaglalagakan ng artistikong produkto ng tao. Katulad ng wika na nagsisilbing
imbakan ng mga kultural na praktika at pamana ng isang komunidad.

7
Ano ang mga “wikang katutubo” ng Filipinas?

Ang salitang katutubo ay nangangahulugang hinggil sa katangiang nagmula sa kapanganakan ng


isang tao o likás sa isang bagay o di kaya’y indigenous. Sa tala ng Ethnologue noong 2019,
umaabot sa 185 na mga wika sa Filipinas. Hindi diyalekto kundi wika dahil nagkakaunawaan ang
dalawang tagapagsalita kapag gumagamit sila ng parehong midyum. Ang diyalekto ay baryasyon
lamang sa loob ng wika. Pag-uusapan natin nang lubos ang wika at diyalekto sa susunod na mga
aralin. Sa pagpapakahulugan ni Almario sa wikang katutubo, aniya:

Dapat tandaan, ang itinuturing na “wikang katutubo” ay alinman sa mga wika na sinúso
ng isang tao na ang mga magulang ay may angkang katutubo sa Filipinas. Kabílang sa
wikang katutubo ang pangunahing gaya ng Tagalog o Waray o ang maliit na gaya ng
Higaonon o Ivatan. Kahit maraming nagsasalita ngayong mamamayan ng Filipinas ay
hindi maituturing na wikang katutubo ang Tsino o kahit ang Ingles.

Bakit may wikang pambansa?

Ang Filipinas ay binubuo ng magkakaibang kultura at wikang katutubo. Dahil sa pagkakaibang


ito, imposible ang pagkakaroon ng pagkakaunawaan. Kinakailangan ng isang midyum na komon
sa bawat tao na may iba-ibang wikang katutubo na nagnanais magkaintindihan. Ang pagkakaroon
ng wikang pambansa ang solusyon sa mabilis na pagkakaunawaan ng mga Filipino sa buong
kapuluan. Ayon kay Almario (2018), itinuturing na mabisang bigkis sa pagkakaisa at
pagkakaunawaan ang pagkakaroon ng wikang pambansa.

Ano ang wikang pambansa ng Filipinas?

Ayon sa itinatakda sa Saligang Batas ng 1987, nakasaad sa Artikulo XIV, Seksiyon 6 ang probisyong
pangwika na naglalahad na:

“Ang wikang pambansa ng Pilipinas ay Filipino. Samantalang nililinang, ito ay dapat payabungin at
pagyamanin pa salig sa umiiral na mga wika sa Pilipinas at sa iba pang mga wika.”

Malinaw na isinasad sa seksiyong ito ng ating batas na ang wikang pambansa ng Filipinas ay
Filipino. Subalit bago naging ganap na wikang pambansa ang Filipino ay dumaan ito sa isang
mahabang proseso ng pagsusuri at paglinang. Matutuklasan mo sa susunod na aralin ang
masalimuot na kasaysayan ng ating wikang pambansa bago ito ganap na tanggapin bilang tulay
ng pagkakaunawaan sa diaspora o pagkakawatak-watak ng ating bansa.

Ano ang wikang opisyal?

Ang wikang opisyal ang itinadhana ng batas na maging wika sa opisyal na talastasan ng
pamahalaan. Ibig sabihin, ito ang wika na maaaring gamitin sa anumang uri ng komunikasyon,
lalò na sa anyong nakasulat, sa loob at labas ng alinmang sangay o ahensiya ng gobyerno.
(Almario, 2018). Batay sa Saligang Batas 1987, Artikulo XIV, Seksiyon 7, nakasaad na wikang opisyal

8
ang Filipino, at hanggang ipinahihintulot ng batas, ang Ingles. Maaari tayong sumulat ng mga
liham, memorandum, at iba pang anyo ng korespondensiya sa Filipino at hindi lamang sa Ingles.

Ano ang wikang panturo?

Ang wikang panturo ang wikang opisyal na ginagamit sa pormal na edukasyon. Ito ang
wikang ginagamit sa pagtuturo at pag-aaral sa mga eskuwelahan at ang wika sa pagsulat ng mga
aklat at kagamitan sa pagtuturo sa silid-aralan (Almario, 2018). Nagsimulang ituro ang Ingles
bilang tanging wikang panturo sa panahon ng pananakop ng mga Amerikano. Ang wikang
pambansa naman ay sinimulang ituro sa panahon ng Komonwelt. Nagkaroon ng patakarang
bilingguwal bilang pagtalima sa isinasaad ng Artikulo XV, Seksiyon 2–3 ng 1973 Konstitusyon
hinggil sa Pilipino at Ingles bílang mga opisyal na wika ng komunikasyon at instruksiyon. (Pilipino
ang tawag sa wikang Pambansa noong 1959 hanggang 1973)

Sa kasalukuyan, multilingguwal na edukasyon ang pinaiiral sa ating bansa. Bunsod ito ng


pagbabago sa kurikulum at pagpapatupad ng Mother Tongue-Based Multi-Lingual Education
(MTB-MLE) kung saan sinimulang gamitin bilang wikang panturo ang wikang kinagisnan o Mother
Tongue ng mag-aaral sa Kindergarten hanggang Baitang 3.

May mga salita ba sa aralin ang


hindi pamilyar sa’yo kawika!?
Maaari mong saliksikin ang
tiyak na kahulugan nito sa
Diksiyonaryong Filipino onlayn.
Magtungo lamang sa
https://diksiyonaryo.ph/!

Ngayong natuklasan mo na ang mga batayang konsepto sa wika, nararapat lamang na


magkaroon ng ilang pagsusuri sa iyong mga natutuhan. Sagutan mo nang TAPAT at SAPAT ang
mga tanong sa KAPSULA-TANTO (TANong-TugOn). F11PT – Ia – 85

Ang depinisyon ng wika nina Pamela C. Constantino at Galileo S.


Anong depinisyon ng wika Zafra. Dahil ayon sa kanila ang wika ang nagbubuklod sa atin na
ang lubos mong sinasang- magkaisa at ito rin ang paraan para tayo ay magkaintindihan dahil
kung wala ito ay maaaring walang kapayapaan o magkaroon ng
ayunan? Bakit? kaguluhan.

Ang wikang pambansa ang siyang ating ginagamit sa


Ano ang dahilan kung bakit pakikipagtalastasan sa iba't-ibang tao kaya't ito ay ating
kinakailangan sapagkat ang Filipinas ay may iba't-ibang kultura
kinailangan natin ng na nagpapatunay na kung wala ang wikang pambansa ay hindi
wikang pambansa? tayo magkakaintindihan o magkaunawaan. Ito ay labis na ating
kinakailangan upang ang mga Pilipinong na nagnanais na mag-
usap ay magkaintindihan. Ang pagkakaroon ng wikang
pambansa ang nagbubuklod sa atin na magkaisa at 9
magkaunawaan.
Dahil sa pagkatoto sa wika ay naibabahagi na rin ang paniniwala,
Bakit sa pag-aaral ng wika tradisyon at iba pa ang kultura ng isang pamayanan. Ang wika
ay natutuhan din ang ang nagsisilbing tulay sa pag-iintindi sa isang kultura ng isang
bansa. Ang kultura ay naipapasa lamang sa susunod na
kultura ng isang
henerasyon sa pamamagitan ng wika. Kung kaya't ang pag-aaral
pamayanan? ng wika ay natututuhan din ang kultura ng isang pamayanan.

Dahil sa pananakop ng mga kanluraning bansa ay


Bakit Ingles ang naiimpluwensiyahan rin nila ang ating wika. Mas namayani ang
namamayaning wika na wikang hiniram natin sa kanila sa kadahilanang laganap ang
hiraman ng mga salita ng impluwensiya ng kultura ng kanluranin.
mga Filipino?

Iugnay mo naman ngayon ang iyong sariling kaalaman, pananaw, at mga karanasan sa mga
natutuhan mong konseptong pangwika sa sumusunod na mga gawain. Paghusayan mo kawika!
F11PS–Ib–86

A. Naging mainit na isyu ang paglabas ng Commission on Higher Education (CHEd)


ng CHED Memorandum (CMO) No. 20, series of 2013 na nag-aalis sa asignaturang
Filipino sa kolehiyo. Naging maugong ang mga protesta upang hindi tuluyang
malusaw ang asignaturang Filipino sa mga unibersidad sa ating bansa. Bilang isang
Filipinong mag-aaral, paano mo maipagsasanggalang ang Filipino sa pilit na
pagkitil dito bilang wika ng edukasyon? Magtala ng limang paraan sa kahon.

Makatutulong tayo bilang isang Filipinong


mag-aaral sa pamamagitan ng patuloy na
paggamit ng wikang Filipino sa
pakikipagtalastasan o
pakikipagkomunikasyon. Paggawa ng isang
blog tungkol sa magandang maidudulot ng
pag- aaral ng asignaturang Filipino. Pag-alam
o pag-aaral at pagyamanin ang asignaturang
Filipino. Pagpapalaganap o pagpapakalat sa
ibang tao ng kahalagahan ng pag-aaral ng
asignaturang Filipino. Ipagmalaki ang batis: https://manilatoday.net/ched-ano-na/
asignaturang Filipino.

B. Maraming miskonsepsiyon o maling konsepto hinggil sa wika ang laganap sa


panahong ito katulad ng paglaganap ng mga pekeng balita o fake news. May mga
maling konsepto ka rin ba hinggil sa wika na napagtanto mong mali matapos pag-
aralan ang aralin?
Gamitin mo ngayon ang istilong tweet sa social media na Twitter upang ibahagi sa
iyong followers ang mga miskonsepsiyon mo hinggil sa mga konseptong
pangwika at mga realisasyon mo matapos ang aralin. Tweet na! F11EP – Ic – 30

10
Ang aking napagtanto hinggil sa wika ay ang wikang pambansa pala natin ay Filipino at
hindi tagalog at akin rinh napag-alaman na ang diyalekto at wika ay magkaiba. Nalaman ko
na ang Filipinas ay isang multilingguwal dahil sa taglay nitong 185 na wika. Napag-alaman
ko na magiging makabuluhan lamang ang isang tunog kung kaya nitong baguhin ang
kahulugan ng usang salita at aking napagtanto na mas marami pa lang mga hiram na
Ingles kaysa sa Español.

A. Tukuyin mo kung ano ang hinihingi ng bawat aytem. Isulat ang sagot sa patlang.

DILA
___________________ 1. Ito ang kahulugan ng salitang “wika” sa Latin, Hebreo, at Griyego.
HENRY ALLAN GLEASON JR
___________________ 2. Ayon sa kaniya ang wika ay may sistematik na balangkas ng mga
tunog na pinipili at isinasaayos sa paraang arbitraryo.
BIENVENIDO LUMBERA
___________________ 3. Inihalintulad niya ang paggamit ng wika bilang paghinga.
BRUCE M. ROWE at DIANE P. LEVINE
___________________ 4. Ayon sa kanila, ang wika ay nananahan sa isipan kung kaya’t hindi
ito dependent sa pakikinig o pagsasalita lamang.
NOAM CHOMSKY
___________________ 5. Isang lingguwista na nagsabing kinakatawan ng wika ang kultura,
tradisyon, pagkakaisa, at kasaysayan.
FILIPINO at INGLES
___________________ 6. Ito ang mga wikang opisyal ng Filipinas.
FILIPINO
___________________ 7. Ito naman ang itinuturing na wikang pambansa ng Filipinas.
___________________
ARTIKULO 8. Ito
XIV, SEKSYION 6ang artikulo at seksiyon sa Saligang Batas ng 1987 ang
nagtatakda ng wikang pambansa ng Filipinas.
___________________
KULTURA
9. Ito ang kolektibong katangian ng mga tradisyon, paniniwala, at
mga pag-uugali.
___________________ 10. Ayon sa kanya walang wika ang magkatulad sa paraang kanilang
EDWARD SAPIR

kakatawanin ang isang kultura.


KEN HALE
___________________ 11. Inihalintulad niya ang pagkawala ng wika sa pagkawasak ng isang
museo.

11
185
___________________ 12. Ito ang bilang ng mga wikang buhay sa Filipinas ayon sa tala ng
Ethnologue taong 2019.
___________________ 13. Ayon sa kanyang ang wika ay sistema ng kumbensiyonal na
ROBERT HENRY ROBINS

pasalita, pasagisag, o pasulat na simbolo na ginagamit ng tao upang


ipahayag ang kanyang sarili.
VIRGILIO ALMARIO
___________________ 14. Ayon naman sa kanya, ang wikang katutubo ay wikang minana sa
mga magulang na may angkang katutubo sa isang partikular na lugar.
SINTAKS
___________________ 15. Ito ang tawag sa antas ng gramatika na tumutukoy sa
pagkakaayos ng mga salita at morpema sa paglikha ng pangungusap.

B. Tukuyin ang katangian ng wika na ipinapahiwatig ng sumusunod na mga pahayag. Piliin


ang iyong sagot sa kahon sa ibaba at isulat ang sagot sa kahon bago ang bilang. Letra
lamang ang isulat.

A – may sistematik na balangkas E – tumatagal at patuloy na ginagamit


B – sinasalitang tunog F – dinamiko at bukas sa pagbabago
C – pinipili at isinasaayos G – dumaraan sa proseso ng panghihiram
D – arbitraryo at pinagkasunduan H – nakabatay sa kultura

D 1. Patunay ang katangiang ito na ang bawat wika ay natatangi.


G 2. Ang salitang bimpo, bakya, at hikaw ay ilan lamang sa mga salitang hiram sa
Hokien na isang diyalekto ng wikang Tsino.
A 3. Ang bawat wika ay may kaniya-kaniyang set na palatunugan, leksikal at
gramatikal na istruktura na ikinakaiba sa ibang wika.
E 4. Kapag tuluyang hindi naipapasa sa susunod na henerasyon ng mananalita ay
namamatay ang wika.
B 5. Hindi lahat ng tunog na nalilikha ng tao ay makabuluhan.
F 6. Ang salitang “forever” ay bahagi na ng talasalitaang Filipino.
H 7. Noong 1600, orihinal na ginamit ang salitang “ginoo” para sa lalaki at babaeng
may karangalan subalit sa kasalukuyan ay panlalaki na lamang ito.
C 8. Maihahalintulad ang katangiang ito sa pagpili ng magandang kuwaliti ng binhi
upang umani ng magandang bunga.
F 9. Isang paraan ng palikha ng mga salita ay ang paggamit ng malikhaing panlapi.
D 10. Walang batas na sumasaklaw sa pagpili ng gagamiting baybay, bigkas, at anyo
para sa isang salita.

12
Umaabot na sa 76 milyong Filipino ang gumagamit ng social media gaya ng Facebook,
Twitter, Instagram, at ng Youtube. Madalas na nagiging lunsaran ito ng mga gawaing nauuso
o trending sa isang partikular na panahon. Bilang isang milenyal na nag-aaral ng Filipino sa
senior hay-iskul, anong mga konseptong pangwika ang maiuugnay mo sa mga paskil (post)
na mga makikita mo sa iyong mga social media account? Sundan ang panuto sa pagsasagawa
ng gawaing ito. F11PD – Ib – 86

1. Pumili sa alinmang social media account na mayroon ka, maaaring Facebook, Twitter,
Instagram, o di kaya’y Youtube.
2. Pansinin ang wikang ginagamit sa mga madalas mong nila-like na post at
tinatambayang page, mga sinusundang artista, influencer, vlogger, pulitiko, brand, at
pinanonood naYoutube Channel. Tiyakin na ito ay mga Pinoy o gawang Pinoy lamang.
3. Kumuha ng limang screenshots gamit ang alinman sa iyong gadyet upang magsilbing
patunay ng iyong mga obserbasyon.
4. Bumuo ka ng isang maikling replektibong sanaysay na naglalaman ng iyong
obserbasyon hinggil sa wikang kanilang ginagamit. Gamitin ang sumusunod na mga
tanong upang magabayan ka sa pagbuo ng iyong sulatin:
a) Anong wika at kultura ang nananaig sa iyong social media account? Ano ang impak
ng wika at kulturang ito sa’yong pamumuhay?
b) Anong mga konsepto at kaalamang pangwika ang maiuugnay mo sa mga madalas
mong makita sa iyong social media account?
c) Sa iyong palagay, may ginagampanang bang papel ang paggamit ng tao ng social
media sa kaniyang wika? Ipaliwanag.
5. Tatayain ang iyong awtput sa pamamagitan ng rubrik sa ibaba.

Rubrik para sa Replektibong Sanaysay

Pangkalahatang
Kraytirya Iyong Iskor
Iskor
Komprehensibo
Nasagot ang lahat ng tanong at
20
mababakas ang pagiging
awtentiko ng mga sagot
Kalinawan ng Nilalaman
Malinaw na nailahad ang mga 20
obserbasyon at katumpakan nito
Pamimili ng salita
May pokus sa layunin at angkop
10
ang mga salitang ginamit sa
pagsulat
Kabuoan: 50 puntos

13
Tingnan natin! (POST-TEST)

TAMA o MALI. Suriin ang bawat pahayag. Isulat ang TAMA sa loob ng kahon kung wasto at
MALI naman kung hindi.

1.
DSMAMALILI Lahat ng wika ay nakabatay sa salita.
MALIMALI 2. Hindi kailangan ng wikang pambansa.
TAMATAMA3. Lahat ng wika ay nahahaluan ng ibang wika.
MALIMALI 4. Walang sistema ang balangkas ng isang wika.
MALIMALI 5. Ang wikang pambansa ng Filipinas ay Tagalog.
MALIMALI 6. Walang tiyak na kaugnayan ang wika at kultura.
TAMATAMA7. Multikultural at multilingguwal ang bansang Filipinas.
TAMATAMA8. Filipino ang kasalukuyang tawag sa wikang pambansa.
MALIMALI9. Ang Pangasinan at Ilocano ay maituturing na diyalekto.
MALIMALI 10. Ang wikang pambansa lamang ang maituturing na wika.
TAMATAMA11. Pinagkakasunduan ang wika ng mga taong gumagamit nito.
TAMATAMA12. Maaaring mamatay ang wika kung wala ng gumagamit nito.
MALIMALI 13. Español at Ingles ang dalawang opisyal na wika ng Filipinas.
TAMATAMA14. English at Filipino lamang ang wikang ginagamit sa pagtuturo.
TAMATAMA 15. Ang wika ay hindi dependent sa pakikinig at pagsasalita lamang

Binabati kita, kawika! Natapos mo ang lahat ng gawain sa


araling ito. Nawa’y sa pagtatapos ng modyul na ito ay may mga
kaalaman at karunungang naikintal sa’yong isipan. Ipagpatuloy mo
ang iyong kasigasigan sa pag-aaral. Sa susunod na modyul naman
ay matutunghayan mo kung papaano nadevelop ang ating
pambansang wikang Filipino. Padayon!

14

You might also like