Nothing Special   »   [go: up one dir, main page]

Pumunta sa nilalaman

Aklat ni Job

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
Lumang Tipan ng Bibliya

Ang Aklat ni Job[1][2][3] (Hebreo: איוב‎) ay isang aklat sa Lumang Tipan ng Bibliya. Tungkol ito sa isang lalaking nagngangalang Job at mula sa Edom.[1] Tinawag ang aklat na ito bilang "pinakamalalim at pinakamakapampanitikang gawa sa kabuoan ng Lumang Tipan."[4] Ilan ang mga bahagi ng Aklat ni Job sa mga sinaunang pagtatangka o pagsubok na mailarawan ang suliranin hinggil sa kasamaan, partikular na ang pagtunghay sa pagkakaroon ng kasamaan o paghihirap sa mundo at ang pagkakaroon ng Diyos.

Balangkas at paksa

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Tinatalakay sa Aklat ni Job ang katanungang: "Bakit ang mga mabubuting tao, ang matuwid, ang may kawalang-malay, at hindi makasalanan ang naghihirap ng malaking kahirapan at kalungkutan?" Itinuturing na isang misteryo ang matandang katanungang ito na nagaganap sa buhay ng tao. Sinasabing maliwanag at makabagbag damdamin ang paglalarawan ng paksang ito sa Aklat ni Job.[2]

May-akda at kapanahunan

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Hindi natitiyak kung sino ang may-akda ng Aklat ni Job. Hindi rin natitiyak kung kailan ito naisulat. Nalalaman lamang na mas maiksi ang bersiyon ng saling nasa wikang Griyego nang ihahambing sa saling nasa wikang Ebreo.[1] May mga makabagong opinyon na nagsasabing maaaring naisulat ito noong mga ika-5 BC.[2]

Anyo at gawi sa pagkakasulat

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Isinulat na may katangiang patula ang Aklat ni Job.[1] Nakahanay na parang prosa ang mga tulang ito ng Bibliya.

Isa sa mga larawang iginuhit ni William Blake tungkol sa Aklat ni Job. Ipinakikita rito kung paano binahiran ni Satanas ng mga pigsa ang katawan ni Job.

Isang taong matuwid at may takot sa Diyos si Job na dumanas ng lubhang kahirapan at pighati. Namuhay siya noong panahon ng mga Patriyarka.[1] Nawala ang lahat ng kaniyang mga ari-arian, nalimas ang kaniyang mga kayamanan, namatay ang lahat ng kaniyang mga anak, at nagkaroon siya ng nakaririmarim at nakapandiring sakit sa balat, tinubuan siya ng mga pigsa sa katawan.[1][3] Inilarawan ng may-akda ng aklat na ito kung paano tinugon ni Job at ng mga kaibigan niya ang mga tiising ipinataw kay Job. Nagkaroon ng tatlong ulit na usapan. Ipinaliwanag ng mga kaibigan ni Job, ayon sa kinagisnang pananaw at paniniwala, na laging gumaganti ang Diyos sa mabuti at nagpaparusa naman sa masasama. Kung ibabatay sa paniniwalang ito, nangangahulugang nagkaroon ng pagkakasala si Job. Subalit para kay Job, hindi siya dapat pinatawan ng ganitong mabigat na kaparusahan sapagkat isa siyang taong matuwid at may takot sa Diyos. Hindi maunawaan ni Job kung bakit pumapayag ang Diyos na maganap sa katulad niya ang ganoong kahirapan, kaya't may katapangang hinamon ni Job ang Diyos. Sa kabila nito, hindi nanghina ang pananampalataya ni Job.[3] Nakipagtalo rin si Job sa kaniyang mga kaibigang dumadalaw hinggil sa paksang ito.[1]

Sa mga unang pagkakataon, hindi tinugon ng Diyos ang mga katanungan ni Job. Si Job ang tumugon sa Diyos sa pamamagitan ng kaniyang pananampalataya na ginamitan din niya ng angking karunungan at kapangyarihan. Nagpakumbaba si Job at nanatiling kinilala ang kadakilaan, karunungan, at pagiging makatuwiran at makatarungan ng Diyos.[2][3] Sa bandang huli, nagsalita ang Diyos - mula sa isang ipu-ipo[2] - at ipinahiwatig ang kaniyang kadakilaan at karunungan kay Job.[1][3] Ipinaalala ng Diyos kay Job na lagpas at mayroon mga hindi mauunawaan ang tao hinggil sa uniberso at sa lahat-lahat ng mga nilalang na naririto. Kaya't hindi nila maitatanong at mahahamon ang Diyos tungkol sa mga bagay-bagay na ibig nitong gawin sa mga mortal.[2] Nilalahad sa aklat na ito sa Lumang Tipan ang panunumbalik ni Job sa dati niyang kalagayan at kung paano nahigitan pa ang dating tanging yaman ni Job kaysa dati. Pinagsabihan ng Diyos ang mga kaibigan ni Job hinggil sa kawalan ng pagkaunawa ng mga ito sa mga pangyayari at pagsubok na naganap kay Job. Si Job lamang ang nakadama at nakaunawang ang Diyos ang siyang nakahihigit kaysa sa paglalarawan sa kanya ng isang kinaugaliang pananampalataya.[1][3]

Ayon kay Jose C. Abriol, naging layunin ng Aklat ni Job ang maipakita ang diwa ng paghihirap at gantimpala. Bilang pagpapaliwanag, sinabi ni Abriol na para sa mga sinaunang Israelita hindi malinaw ang hinggil sa pagkakamit ng gantimpala pagdating sa kabilang buhay. Subalit ipinaliwanag ng libro na ang kahirapan ng banal ay isang pagsubok ng Diyos na mayroon gantimpala sa pagsapit ng wakas ng mga pagtitiis. Ayon pa sa aklat, labis-labis na ginantimpalaan ng Diyos si Job dahil sa kaniyang pagtitiis at hindi nawalang pananampalataya.[1]

Binubuo ang Aklat ni Job ng pitong mga bahagi:[1]

  • Pambungad na Salita (1,1-2,13)
  • Unang Pakikipagtalo ni Job sa Kaniyang mga Kaibigan (3,1-14,22)
  • Pangalawang Pakikipagtalo ni Job sa Kaniyang mga Kaibigan (15,1-21,34)
  • Pangatlong Pakikipagtalo ni Job sa Kaniyang mga Kaibigan (22,1-31,40)
  • Ang Paglahok ni Eliu (32,1-37-24)
  • Ang Pananalita ng Panginoon (38,1-42,6)
  • Pangwakas na Salita (42,7-42,17)

Ayon sa Reader's Digest, gumawa ang Ingles na pintor na si William Blake ng mga dalawampu't isang mga malalaking larawan hinggil sa mga kaganapan sa Aklat ni Job. Nilikha ito ni Blake sa pamamagitan ng mga pinturang hinahaluan ng tubig - o mga watercolor sa Ingles - at kinatha noong simula ng ika-19 daantaon.[2]

  1. 1.00 1.01 1.02 1.03 1.04 1.05 1.06 1.07 1.08 1.09 1.10 Abriol, Jose C. (2000). "Job". Ang Banal na Biblia, Natatanging Edisyon, Jubileo A.D. Paulines Publishing House/Daughters of St. Paul (Lungsod ng Pasay) ISBN 9715901077.{{cite ensiklopedya}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  2. 2.0 2.1 2.2 2.3 2.4 2.5 2.6 Reader's Digest (1995). "Job". The Reader's Digest Bible, Illustrated Edition (Condensed from the Revised Standard Version: Old and New Testaments). The Reader's Digest Association, Inc., Pleasantville, London/New York/Montreal/Sydney/Auckland/Cape Town, ISBN 0276420136.{{cite ensiklopedya}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  3. 3.0 3.1 3.2 3.3 3.4 3.5 Aklat ni Job, mula sa Ang Biblia, AngBiblia.net
  4. John L. McKenzie, Dictionary of the Bible, Simon & Schuster, 1965 p 440.

Mga panlabas na kawing

[baguhin | baguhin ang wikitext]