Tayutay
Itsura
Ang tayutay ay salita o isang pahayag na ginagamit upang bigyan diin ang isang kaisipan o damdamin. Sinasadya ng pagpapayahag na gumamit ng talinghaga[1] o di-karaniwang salita upang bigyan diin ang saloobin ng naghahayag. Gumagamit din ito ng mga di-literal na pananalita upang maging mabisa ang ibig sabihin ng pahayag.[1]
Ang matalinhagang wika ay wika na gumagamit ng tayutay.[2] Tinatawag din ang tayutay bilang patalinghagang pahayag.[3]
Mga uri ng tayutay
- Simili o pagtutulad[4] - di tiyak na paghahambing ng dalawang magkaibang bagay. Ginagamitan ito ng mga salitang: tulad ng, paris ng, kawangis ng, tila, sing-, sim-, magkasing-, magkasim-, at iba pa. Ito ay tinatawag na simile sa Ingles.
- Halimbawa: Bigla na lamang siyang nawala tulad ng isang ninja.
- Metapora o pagwawangis[4] - tiyak na paghahambing ngunit hindi na ginagamitan ng pangatnig. Nagpapahayag ito ng paghahambing na nakalapat sa mga pangalan, gawain, tawag o katangian ng bagay na inihahambing. Ito ay tinatawag na metaphor sa Ingles.
- Halimbawa: Isang halimaw ang nag-abuso sa iyo.
- Personipikasyon o pagbibigay-katauhan[1] o pagsasatao - ginagamit ito upang bigyang-buhay, pagtaglayin ng mga katangiang pantao - talino, gawi, kilos ang mga bagay na walang buhay sa pamamagitan ng mga pananalitang nagsasaad ng kilos tulad ng pandiwa, pandiwari, at pangngalang-diwa. Personification ito sa Ingles.
- Halimbawa: Nilamon ng daluyong ang mga kabahayan.
- Apostrope o pagtawag o panawagan - isang pakiusap sa isang bagay na tila ito ay isang tao.
- Halimbawa: Hoy kompyuter, mag-boot up ka na!
- Pag-uulit
- Aliterasyon o paripantig - ang unang titik o unang pantig ay pare-pareho.
- Anapora o paimuna - pag-uulit ng isang salitang nasa unahan ng isang pahayag o ng isang sugnay.
- Anadiplosis o paugnay - inuulit ang huling salita ng katatapos lamang na pangungusap, at ginagamit ito bilang panimula ng susunod na pangungusap.
- Epipora o padulo - pag-uulit naman ito ng isang salita sa hulihan ng sunud-sunod na taludtod.
- Antimetabole o empanodos o pabalik na pag-uulit - gumagamit ng pagbabaliktad ng pagkakaayos ng salita sa isang kataga o parirala, at paggamit ng binaliktad na porma upang ipakita ang kasalungatan.
- Halimbawa: Isa para sa lahat, lahat para sa isa.
- Katapora - paggamit ng isang salita na kadalasang panghalip na tumutukoy sa isang salita o parirala na binanggit sa hulihan.
- Pagmamalabis o hayperbole o pasawig - ito ay lagpas-lagpasang pagpapasidhi ng kalabisan o kakulangan ng isang tao, bagay, pangyayari, kaisipan, damdamin at iba pang katangian, kalagayan o katayuan.
- Panghihimig o onomatopeya - ito ang paggamit ng mga salitang kung ano ang tunog ay siyang kahulugan. Onomatopeia ito sa Ingles.
- Sarkasmo o pag-uyam o pauroy - isang uri ng ironya o balintuna na ipinapahiwatig ang nais iparating sa huli. Madalas itong nakakasakit ng damdamin.
- Sinekdoke o pagpapalit-saklaw[1] - isang bagay, konsepto kaisipan, isang bahagi ng kabuuan ang binabanggit.
- Paglilipat-wika - tulad ng pagbibigay-katauhan na pinasasabagay ang mga katangiang pantao, na ginagamit ang pang-uri.
- Balintuna[4] o parikala - isang uri ng ironya na hindi ipinapahiwatig ang nais sabihin sa huli.
- Pasukdol - pataas na paghahanay ng mga salita o kaisipan ayon sa kahalagahan nito mula sa pinakamababa patungo sa pinakamataas na antas. Tinatawag itong climax sa Ingles.
- Pagtanggi o litotes o padili - gumagamit ng katagang "hindi" na nagbabadya ng pagsalungat o di-pagsang-ayon. Ito'y may himig na pagkukunwari, isang kabaligtaran ng ibig sabihin.
- Anastrope o pasaliwa - isang uri ng tayutay na gumagamit ng pagbabaliktad ng paggamit o pagkakaayos ng mga salita sa pangungusap.
- Aposiopesis o paghinto o pasindal - isang istilo ng pagbasa na maituturing ding tayutay. Ginagamit ito upang magbigay diin sa susunod na mga salita o tema.
- Paradoks o pabaligho - sa pampanitikang terminolohiya, isa itong maliwanag na pagsasalungat na kahit papaano ay totoo.[5] Maaring maging pahidwa o oksimuron, pagmamaliliit o paglalabis ang anyo ng paradoks. Maaring ihalo ang pabaligho sa balintuna.
Mga sanggunian
- ↑ 1.0 1.1 1.2 1.3 TagalogLang, Author (2022-01-04). "TAYUTAY". TAGALOG LANG (sa wikang Ingles). Nakuha noong 2022-01-11.
{{cite web}}
:|first=
has generic name (tulong)CS1 maint: date auto-translated (link) - ↑ Arp & Johnson (2009), p. 705 (sa Ingles)
- ↑ Pananaw 4' 2005 Ed.(pagbasa). Rex Bookstore, Inc. ISBN 978-971-23-3984-4.
- ↑ 4.0 4.1 4.2 Macaraig, Milagros B. (2004). Sulyap Sa Panulaang Filipino' 2004 Ed. Rex Bookstore, Inc. ISBN 978-971-23-3908-0.
{{cite book}}
: CS1 maint: date auto-translated (link) - ↑ Arp & Johnson (2009), pp. 749–751 (sa Ingles)