Home remedy sa sipon, narito ang ilang hakbang na maaring gawin.
Mababasa dito ang sumusunod:
- Paano mawala ang sipon.
- Sintomas ng sipon.
- Sanhi ng sipon.
- Home remedy sa sipon.
Sinisipon ka ba o ang iyong anak? Paano nga ba mawala ang sipon? Alamin dito ang mabisang gamot sa ubo at sipon! Gayundin syempre ang home remedy sa sipon na maaari mong subukan para maibsan ang sama ng pakiramdam.
Paano mawala ang sipon?
Noon, binabalewala lang natin ang sipon. Kadalasan ay hindi naman natin ito iniinda at umaasa tayo na kusa lang itong mawawala. Subalit iba na ang panahon ngayon.
Napakaraming nagkakasakit, at ang mistulang simpleng sipon lang ay maaari na palang maging sintomas ng mas malalang sakit, gaya ng Covid-19.
Mas nakakatakot lalo para sa mga bata na hindi pa nakakatanggap ng bakuna para sa sakit na ito. Kaya naman humahanap ka agad ng paraan kung paano mawala o kung ano ang gamot sa sipon ng iyong anak, at bawat miyembro ng pamilya.
Pero dahil nga sa panahon at dami rin ng nagkakasakit ngayon, nagkakaubusan ang mga gamot sa sipon sa mga botika. Bukod sa mga nirereseta ng iyong doktor, paano ba matanggal ang sipon habang nananatili sa loob ng bahay? Ano ba ang mabisang gamot sa ubo at sipon?
Bago natin malaman ang sagot, alamin muna natin kung ano ang sipon at mga karaniwang sintomas nito.
Ano ang sintomas ng sipon?
Ang sipon ay isang nakakahawang sakit na unang tumatama sa ating upper respiratory tract o ilong at lalamunan. Ano nga ba ang sintomas ng sipon?
Bagama’t hindi naman ito malalang uri ng sakit, ang pagkakaroon ng sipon ay nakakapagdulot pa rin ng hirap at iritasyon sa mga taong mayroon nito.
Narito ang ilan sa mga sintomas ng sipon na maaari mong maramdaman:
Mabisang gamot sa sipon | Image from Freepik
Maaaring sanhi ng sipon
Isa sa mga pwedeng dahilan kung bakit nagkakasipon ang isang tao ay dahil sa pagbabago ng klima o panahon.
Pero ang pinakakaraniwang sanhi ng sipon lalo na sa mga bata ay ang rhinoviruses. Ito ang tawag sa mga virus na maaaring pumasok sa ating katawan sa pamamagitan ng ating mata, ilong at bibig.
Halimbawa, kung bumahing o umubo ang isang taong may sipon at wala siyang suot na mask, maaaring pumasok ang droplets ng virus sa mata, ilong o bibig ng mga tao sa paligid niya at mahawa na sila ng sipon.
Maaari ring maipasa ang virus sa pamamagitan ng hand-to-hand contact. Kapag humawak ka sa isang bagay na mayroon droplets ng virus, pagkatapos ay hinawakan mo ang iyong mata, ilong o bibig, puwede ka ring mahawa ng sipon.
Ang mga batang may edad na 6 pababa, mga naninigarilyo at mga taong may mahihinang immune system ang kadalasang tinatamaan ng sakit na ito.
Ang sipon ay maaari ring maging sintomas ng isang mas malubhang sakit o pwede ring dahil sa allergy. Kung may allergy magandang umiwas sa mga nagpapa-trigger ng allergy upang maiwasan ang pagkakaroon ng sipon.
Home remedy para sa sipon
Karaniwang kasama na ng sipon ang pagkakaroon ng ubo. Ano nga ba ang mga natural na gamot sa ubo at sipon?
Ano nga ba ang mabisang gamot sa ubo at sipon? Ayon sa Mayo Clinic, wala talagang mabisang gamot para sa sipon, subalit may mga paraang maaaring gawin para maibsan ang mga sintomas at maging mas mabilis ang iyong paggaling. Narito ang mga natural na paraan na maaaring subukan bilang gamot sa ubo at sipon:
1. Uminom ng maraming tubig
The best sipon remedy pa rin ang pag-inom ng maraming tubig. Ang pagiging hydrated o pagkakaroon ng sapat na tubig sa katawan ay nakakatulong para mawala ang pagbabara sa iyong upper respiratory tract at mailabas agad ang virus.
Uminom ng walong basong tubig o kahit mga fruit juice o kaya tubig na may slice ng lemon araw-araw. Iwasan naman ang pag-inom ng caffeinated drinks gaya ng kape, tsaa o soda.
Tandaan na mahalaga ang pag-inom ng sapat na tubig araw-araw para na rin sa kalusugan natin, may sipon man o wala.
2. Kumuha ng sapat na tulog at pahinga
Ayon kay Professor Aric Parther ng University of California, ang pagkakaroon ng sapat na tulog ay napakaimportante hindi lamang para gumaling mula sa sipon, kundi pati na rin sa ating kalusugan sa kabuuan.
Patunay nga rito ang isang pag-aaral na isinagawa ni Prof. Parther at ng kaniyang mga kasama noong 2013.
Sa pag-aaral na kanilang ginawa, sinubaybayan nila ang pagtulog at sleep pattern ng 164 na tao matapos magkaroon ng sipon at ma-quarantine sa isang hotel.
Dito, napag-alaman nila na ang mga taong nakakuha ng tulog na mababa sa anim na oras ay mas madaling magkasipon kumpara sa mga natutulog ng higit sa pitong oras.
Inatake ng virus ang iyong katawan sa pamamagitan ng pagpapababa ng iyong immune system, kaya kailangan nito ng sapat na pahinga para makabawi at muli itong lumakas.
Kaya naman matulog nang sapat na oras, kung nahihirapang matulog maaari kang magbasa ng mga libro o kaya naman sa umaga ay mag-ehersiyo para pagdating sa gabi ay madali ka na lang makakatulog. Puwede ring basahin ang artikulong ito upang mabilis makatulog, Hirap makatulog? 7 tips para mabilis makatulog.
Mabisang gamot sa sipon | Image from Unsplash
3. Gamot sa sipon at baradong ilong: Alamin ang paraan ng tamang pagsinga
Ayon sa WebMD, ang mga sintomas na nararanasan mo kapag sinisipon ay isang paraan ng katawan na labanan ang mga virus. Pero paano naman ang sipon na ayaw lumabas? Naranasan mo na bang magkaroon ng baradong ilong pero walang sipon na lumalabas? O kaya naman ay nawalan ng pang amoy dahil sa sipon?
Para maalis ang baradong ilong na walang sipon na lumalabas, ugaliin ang madalas na pagsinga. Importante ito para mailabas ang mucus na nananatili sa iyong ulo.
Pero siguruhing tama ang paraan ng iyong pagsinga. Dahil kung masyadong malakas, ibinabalik lang ng pressure ang plema sa iyong ear passages, na nagiging sanhi ng pagsakit ng tenga. Ito rin ang dahilan kung bakit kahit barado ang ilong ay walang sipon na lumalabas.
Ganito ang tamang paraan ng pagsinga: gamit ang iyong daliri, pindutin ang isang butas ng iyong ilong, habang dahan-dahang sumisinga sa kabila.
Para naman sa maliliit na batang hindi pa kayang suminga, nakakatulong ang nasal irrigation o ang paggamit ng saline solution sa kanilang mga ilong para lumuwag ang kanilang paghinga. Ang paggamit ng saline solution o nasal spray ay mabisang gamot sa sipon na ayaw lumabas o gamot sa tuyong sipon.
4. Magmumog ng maligamgam na tubig at asin
Magmumog ng isang basong maligamgam na tubig na may kasamang kalahating kutsarang asin. Nakakatulong daw ito para mawala ang pangangati o pananakit ng lalamunan. Isa ito sa mabisang gamot sa ubo at sipon.
Nakakabawas din ito sa pagbabara ng iyong ilong dahil nailalabas nito ang plema na may lamang bacteria. Gawin ito ng dalawang beses sa isang araw o pwede ring tatlong beses sa isang araw, umaga, tanghali, at gabi.
Hindi lang sa malamig na panahon masarap ang mainit na sabaw – pati rin tuwing may sakit gaya ng sipon.
Bakit nga ba nakakagaan ng pakiramdam ang paghigop ng mainit na sabaw kapag may sipon? Gaya ng pag-inom ng tubig, ang paghigop ng mainit na sabaw ay nakakatulong din para mailabas ang mucus o plema na naiipon sa iyong upper respiratory tract.
Ayon din sa isang pag-aaral, ang pagkain ng mainit na chicken soup kapag may sakit ay nakakapagpabagal ng galaw ng neutrophils sa ating katawan.
Ang neutrophil ay isang white blood cell na pumoprotekta sa ating katawan laban sa impeksyon. Kapag mabagal ang galaw ng neutrophils, ang ibig sabihin ay nagtatagal ito sa mga bahagi ng katawan na kailangang gumaling.
Kaya naman maaari ring subukan ito upang maibsan at mawala ang sipon.
6. Air humidifier – gamot sa sipon at baradong ilong
Para lumuwag ang paghinga at mawala ang bara sa ilong, maglagay ng air humidifier sa iyong kuwarto. Nakakatulong din ito para maiwasan ang mabilis na pagkalat ng virus sa inyong tahanan. Siguruhin lang na papalitan ang tubig sa air humidifier bawat araw.
Kung wala namang air humidifier, subukang maligo gamit ang mainit na tubig habang nakasara ang pinto. Ito’y upang malanghap ang mainit na singaw ng tubig na nakakapagpaluwag ng iyong paghinga at nagbibigay ng ginhawa.
Bukod pa rito puwedeng subukan ang suob para sa sipon. Makatutulong din ito para maibsan ang baradong ilong at umayos ang daloy ng paghinga. Paano gawin ang suob para sa sipon?
- Magpakulo ng tubig
- Isalin ang pinakuluang tubig sa bowl o palanggana
- Takluban ang iyong ulo ng tuwalya habang nakayuko at nakatapat ang mukha sa usok ng pinakuluang tubig. Langhapin ang steam nito.
- Maaari itong gawin nang tatlo hanggang apat na beses sa isang araw.
- Ang suob ay makatutulong din para bumuti ang iyong pakiramdam kung ikaw ay nakararanas na nawalan ng pang amoy dahil sa sipon.
Mabisang gamot sa sipon | Image from Freepik
7. Kumain ng mga pagkaing lumalaban sa impeksyon
Isa sa mga natural na paraan ng paglaban sa sipon ay ang tamang nutrisyon. Makakatulong ang pagkain ng mga prutas na gamot sa ubo at sipon.
Habang may sakit, ugaliing kumain ng mga prutas at gulay na mayaman sa Vitamin C. Ang mga prutas na gamot sa ubo at sipon ay ang orange, lemon at calamansi (pwedeng gawing juice). Sili at malunggay naman ang mga gulay na pwede ring makatulong na maibsan ang ubo at sipon.
Maaari ring gumawa ng tsaa gamit ang mga halamang gamot tulad ng bawang, luya, at dahon ng oregano.
Gayundin, subukan ang mga pagkaing may sangkap na lumalaban sa impeksyon at nagpapalakas ng immune system gaya ng sibuyas at yogurt.
Dito sa theAsianparent, naniniwala kami na kapag mayroong sakit, lalo na sa mga bata, ang pinakamainam na gawin ay kumonsulta sa isang doktor. Ang home remedies ay maaring makatulong na maibsan ang sintomas ng sakit, pero hindi ito pwedeng gawing pamalit sa gamot na nireseta ng inyong doktor.
Gamot sa sipon
Paano mawala ang sipon? Bukod sa mga nabanggit na natural na gamot sa sipon, mayroon din namang mga gamot sa sipon na nabibili sa botika at mga tindahan. Ang ilan sa mga over-the-counter medications na puwede mong subukan ay ang mga sumusunod:
- Antihistamine – makatutulong ito pra maiwasan ang pagbahing at maibsan ang sintomas ng runny nose.
- Decongestants – gamot naman ito sa sipon at baradong ilong. Mahalagang tingnan ang ingredients kung mayroon itong phenylephrine o pseudoephedrine. Tandaan lang din na huwag lalampas sa apat hanggang limang araw ang paggamit o pag-inom ng decongestants dahil lalong magbabara ang ilong. Posible ring makaranas ng nerbyos at pagiging iritable.
- Pain relievers – para naman sa pananakit ng katawan, inflammation, lagnat at iba pang sintomas na kasama ng sipon, maaaring uminom ng nonsteroidal anti-inflammatory drugs (NSAIDs) tulad ng ibuprofen at aspirin.
Kung ikaw ay may high blood pressure, magpakonsulta muna sa iyong doktor bago uminom ng ano mang over-the-counter medications.
Mayroon kasing mga gamot sa sipon na pinagagaling ang mga sintomas sa pamamagitan ng pagpapasikip ng mga blood vessel at pagbabawas ng blood flow.
Kung mayroon kang kondisyon ng high blood pressure maaari itong makaapekto nang hindi maganda sa iyo, kaya magpatingin muna sa iyong doktor.
Sipon na hindi nawawala: Kailan dapat pumunta sa doktor?
Bagama’t maraming paraan para maibsan ang mga sintomas ng sipon. Mayroong mga pagkakataon na nangangailangan na ito ng medikal na atensyon.Tulad na lamang sipon na hindi nawawala.
Kapag tumagal nang higit sa sampung araw ang sipon na may kasamang ibang sintomas gaya lagnat at sakit sa lalamunan, dapat ka nang pumunta sa iyong doktor. Maaaring sanhi na ito ng bacterial infection o kaya naman viral infection.
Agad namang tumungo sa ospital kapag nakaramdam ka ng paninikip ng dibdib, nahihirapan kang huminga, nagsusuka at nanghihina. Baka kasi mauwi ito sa pneumonia o kaya sintomas na ito ng mas malalang sakit.
Tandaan: Habang ginagamot mo ang iyong sipon sa loob ng bahay, ugaliing magsuot ng mask at maghugas ng kamay para maiwasan ang pagkalat ng virus. Mainam din na ihiwalay muna ang mga ginamit mong pinggan, baso, kutsara at iba pa para hindi na makahawa pa ng iba.
Higit sa lahat, huwag kalimutang makipag-ugnayan sa inyong doktor habang ginagamot mo ang iyong sipon sa loob ng bahay para mabigyan ka ng payo kung anong gamot sa sipon ang dapat mong gawin o inumin. Kapag mayroon kang katanungan tungkol sa mga sintomas na iyong nararamdaman, huwag mahiyang tumawag sa inyong doktor.
Iba pang dapat tandaan
Pwede ba magpa swab test ang may sipon?
Larawan mula sa Pexels kuha ni Rizki Koto
Ngayong nagpapatuloy pa rin ang banta ng COVID-19 sa ating kalusugan, mahalagang manatiling may alam sa mga dapat at hindi dapat sa panahong ito. Pwede nga ba magpa swab test ang may sipon?
Pwede. Katunayan, pinapayuhan nga ang mga taong may sipon, ubo, at lagnat na magpatingin at mag pa swab test para malaman kung COVID-19 virus ba ang dahilan ng mga karamdaman o common cold at simpleng trangkaso lamang.
Kaya naman, sino mang may sintomas ng COVID-19 tulad ng sipon at ubo ay pinapayuhang magpasuri para maagapan ang hawaan kung sakaling COVID-19 nga ang sanhi nito.
Pwede ba magpabakuna kahit may sipon?
Naka-schedule ka na ba para sa COVID-19 vaccine pero bigla kang sinipon? Pwede ba magpabakuna kahit may sipon? Pinapayuhan na huwag munang magpabakuna ng COVID-19 vaccine ang sino man kung may sipon o ubong nararamdaman. Ipagpaliban muna ang pagpapabakuna at ituloy na lamang ito kapag bumuti na ang pakiramdam.
Mommies at daddies, sana nakatulong ang article na ito para magamot ang sintomas ng sipon sa inyong pamilya. Kung may iba pang nararamdaman na nagdudulot ng pagkabahala, maaari namang kumonsulta sa inyong doktor para mabigyan ng angkop na gamot para sa inyong kondisyon.
Mga Paraan Para Maiwasan ang Sipon
1. Mag-Practice ng Tamang Kalinisan
- Regular na maghugas ng kamay gamit ang sabon at tubig nang hindi bababa sa 20 segundo.
- Iwasang hawakan ang iyong mukha, lalo na ang mata, ilong, at bibig, upang hindi makapasok ang mikrobyo.
- Gumamit ng alcohol-based hand sanitizer kung walang tubig at sabon.
2. Palakasin ang Iyong Immune System
- Kumain ng balanse at masustansyang pagkain tulad ng prutas, gulay, lean protein, at whole grains.
- Uminom ng sapat na tubig para manatiling hydrated.
- Siguraduhing makakuha ng sapat na tulog (7–9 oras para sa mga nasa hustong gulang).
- Regular na mag-ehersisyo para mapabuti ang sirkulasyon at immune function.
3. Iwasan ang Malapitang Pakikisalamuha sa May Sakit
- Lumayo sa mga taong bumabahing, umuubo, o may sintomas ng sakit.
- Magalang na tanggihan ang pakikipagkamay o yakap kapag malamig ang panahon, lalo na kung mukhang may sakit ang tao.
4. Panatilihing Malinis ang Kapaligiran
- Linisin at i-disinfect ang mga madalas hawakang bagay tulad ng doorknobs, telepono, at keyboards.
- Gumamit ng tissue kapag babahing o uubo, at agad itong itapon sa basurahan.
5. Panatilihing Mainit at Tuyong Katawan
- Magsuot ng angkop na damit ayon sa panahon upang maiwasan ang biglaang pagbabago ng temperatura na maaaring magpahina sa immune system.
6. Pamahalaan ang Stress
- Ang labis na stress ay maaaring magpahina ng immune system. Mag-practice ng relaxation techniques tulad ng meditation, yoga, o malalim na paghinga.
7. Gumamit ng Preventive Measures
- Magpabakuna laban sa trangkaso upang mabawasan ang posibilidad na mahawa, dahil ang trangkaso ay maaaring magpahina ng immune system.
- Gumamit ng humidifier sa tuyong panahon upang panatilihing basa ang ilong at maiwasan ang iritasyon.
8. Iwasan ang Usok ng Sigarilyo
- Iwasang manigarilyo o ma-expose sa secondhand smoke dahil nakaka-irita ito sa respiratory system at nagpapataas ng tsansang magkasakit.
9. Dagdagan ang Bitamina
- Siguraduhing nakakakuha ng sapat na bitamina, lalo na ang Vitamin C at Zinc, na tumutulong sa pagpapalakas ng resistensya.
10. Bigyang-Pansin ang Unang Sintomas
- Kapag naramdaman ang unang sintomas ng sipon, magpahinga at uminom ng maraming tubig upang mabilis na makabawi ang katawan at maiwasang lumala.
Sa pagsunod sa mga hakbang na ito, maaari mong mabawasan nang malaki ang posibilidad na magkasakit ng sipon at mapanatili ang iyong kalusugan.
Karagdagang impormasyon sinulat ni Jobelle Macayan
Dito sa theAsianparent Philippines, mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!