Nothing Special   »   [go: up one dir, main page]

Showing posts with label Pabula. Show all posts
Showing posts with label Pabula. Show all posts

Saturday, 8 August 2015

Ano ang Pabula?



Ang karaniwang pabula ay kuwento kung saan mga hayop ang gumaganap at ang mga hayop na ito ay kumikilos at nagsasalita na tulad ng tao. 

Madalas na inilalarawan ng pabula ang dalawang hayop na may magkaibang ugali at nagwawakas ang kuwento na nagwawagi ang may mabuting ugali. Nag-iiwan ito ng aral sa mambabasa. 

Ang pabula ay tumutukoy sa pang-araw-araw na buhay sa daigdig (maliban sa pagsasalita ng mga hayop). Sa pabula, ang mga suliranin ay nilulutas hindi ng mga kababalaghan, na tulad ng mga kuwentong engkantada, kundi sa pamamagitan ng mapanusong paraan, paghahanda, o sa pamamagitan ng matalinong gawa na katulad ng tao sa kanilang paglutas ng suliranin. 

Halimbawa sa pabulang “Ang Aso at ang Uwak”, nakuha ng aso ang karne sa pamamagitan ng pagpuri sa uwak.

Sa pabulang “Ang Kuneho at Pagong”,  naunahan ng pagong ang kuneho dahil sa kanyang matiyaga at patuloy na paglalakad. 

Sa pabulang “Ang Matalinong Pagong at Hangal na Matsing”, napaglalangan ng pagong ang matsing nang magkunwari siya na ayaw na ayaw niya sa tubig.

Ang mga aral sa mga pabula ay naging bahagi ng ating pang-araw-araw na pakikipag-usap tulad ng “Matalino man ang matsing”, “Huwag bibilangin ang itlog,” at “Balat man ay malinamnam”. 

Ngunit hindi naman lahat ng pabula ang pangunahing gumaganap ay hayop. Mayroon ding pabula kung saan ang gumaganap ay tao katulad ng “Ang Batang Sumigaw ng Lobo” at “Ang Babaing Maggagatas” o magkahalong hayop at tao na katulad ng “Ang Mabait at Masungit na Buwaya”.


Ipinalalagay na nagsimula ang pabula kay Esopo, isang aliping Griyego, sa taong 400 B.C. Siya ay pangit, tuso at matalino ngunit sa kanyang kahusayan sa pagkukuwento ng pabula, siya’y pinalaya at nagkaroon ng tungkulin.

Sunday, 20 October 2013

PABULA: Ang Aso at ang Uwak



May ibong uwak na nakakita ng karne na nakabilad sa araw.

Tinangay niya ito at lumipad nang malayo.

Sa dulo ng sanga ng isang puno, sinimulan niyang kainin ang karne.

Ngunit narinig niya ang malakas na boses ng isang aso na nagsabi:

"Sa lahat ng ibon, ang uwak ang pinaka-magaling. Walang kakumpara!" 

Natuwa ang uwak at binukas ang bibig para humalakhak. Ang nangyari ay nalaglag ang karne mula sa kanyang bibig. Nahulog ito sa lupa kung saan kaagad sinunggaban ng aso. Ngayon alam na natin na ang papuri ay maaaring uri ng panloloko rin.

Aral: Isang papuri minsan ay isang paglilinlang.

Saturday, 19 October 2013

PABULA: Ang Pabula ng Daga at ng Leon




Isang daga ang nakatuwaang maglaro sa ibabaw ng isang natutulog na leon. Kanyang inaakyat ang likuran ng leon at pagdating sa itaas ay nagpapadausdos siya paibaba.

Sa katuwaan ay di niya napansin na nagising ang leon. Dinakma ng leon ang daga at hinawakan sa buntot na wari bagang balak siyang isubo at kainin. Natakot at nagmakaawa ang daga.

"Ipagpaumanhin mo kaibigan. Hindi ko sinasadyang gambalain ka sa pagtulog mo. Wala akong masamang hangarin. Nakatuwaan ko lang na maglaro sa iyong likuran. Huwag mo akong kainin" sabi ng daga.

Nabakas ng leon sa mukha ng daga ang tunay na pagmamakaawa.

"Sige, pakakawalan kita pero sa susunod ay huwag mong gambalain ang pagtulog ko," sabi ng leon.

"Salamat kaibigan. Balang araw ay makagaganti rin ako sa kabutihan mo, " sagot ng daga.

Lumipas ang maraming araw at minsan sa pamamasyal ng daga sa kagubatan ay kanyang napansin ang isang lambat na nakabitin sa puno. Lumapit siya upang mag-usisa at agad niyang nakilala ang leon na nahuli sa loob ng lambat na ginawang bitag ng mga nangagaso sa kagubatan.

Dali-daling inakyat ng daga ang puno at nginatngat ang lubid na nakatali sa lambat. Agad namang naputol ang lubid at bumagsak ang lambat kasama ang leon sa loob. Mabilis na bumaba ang daga at tinulungan ang leon na nakawala sa lambat.

"Utang ko sa iyo ang aking buhay," laking pasasalamat na sabi ng leon sa kaibigang daga.


Mga aral ng pabula:



  • Ang paghingi ng paumanhin sa kapwa ay sinusuklian ng pang-unawa.
  • Ang pag-unawa sa kapwa ay humahantong sa mabuting pagkakaibigan.
  • Huwag maliitin ang kakayahan ng iyong kapwa. Hamak man ang isang tao ay maaari siyang makatulong ng malaki o makagawa ng bagay na lubhang makabuluhan.



Friday, 18 October 2013

PABULA: Ang Kabayo at ang Kalabaw





Isang magsasaka ang nais manirahan sa ibang bayan kaya isang araw ay inipon niya ang kanyang mga gamit at inilulan sa kanyang alagang kabayo at kalabaw. Maaga pa ay sinimulan na nila ang mahabang paglalakbay.

Makaraan ang ilang oras ay nakaramdam ng matinding pagod at pang- hihina ang kalabaw dahil sa bigat ng kanyang pasang gamit.

"Kaibigang kabayo, di hamak na mas mabigat ang pasan kong gamit keysa sa iyo. Maaari bang tulungan mo ako at pasanin mo yung iba?" pakiusap ng kalabaw.

"Aba, yan ang ipinataw sa iyong balikat ng ating amo kaya pagtiisan mo," anang kabayo na lalo pang binilisan ang paglalakad.

"Parang awa mo na tulungan mo ako. Di ko na kakayanin ang bigat ng dala ko. Nanghihina ako. Alam mo namang kailangan kong magpalamig sa ilog kapag ganito katindi ang init ng araw dahil madaling mag-init ang katawan ko," pakiusap pa rin ng kalabaw.

"Bahala ka sa buhay mo," naiinis na sagot ng kabayo.

Makaraan pa ang isang oras at lalung tumindi ang init ng araw. Hindi nagtagal at ang kalabaw ay iginupo ng bigat ng kanyang dala at siya ay pumanaw.

Nang makita ng magsasaka ang nagyari ay kinuha niya ang lahat ng gamit na pasan ng kalabaw at inilipat sa kabayo na bahagya namang makalakad dahil sa naging napakabigat ng kanyang mga dalahin.

"Kung tinulungan ko sana si kasamang kalabaw ay hindi naging ganito kabigat ang pasan ko ngayon," may pagsisising bulong ng kabayo sa kanyang sarili.

Sunday, 29 September 2013

PABULA: Ang Magsasaka at ang mga Sisiw

Isang inahing manok na may anak na tatlong sisiw ang naninirahan sa gitna ng taniman ng mais.  Isang araw, lumabas ng bahay ang magsasakang may-ari ng taniman at sinabing, "Panahon na upang anihin ko ang aking maisan!  Kailangan tawagin ko ang aking mga kapit-bahay upang tulungan ako sa aking pag-ani bukas!"

Narinig ito ng mga sisiw at agad iminungkahi sa kanilang ina, "Kailangang lumikas na tayo rito at humanap ng ibang matitirahan inang! Kung hindi, matatagpuan tayo rito ng mga magsisipag-ani bukas at huhulihin upang patayin!"

"Huwag kayong mabahala mga anak," ang wika ng inahing manok.   "Kung mga kapit-bahay lamang ang aasahan niya, hindi agad magsisipag-kilos ang mga iyon!  May panahon pa tayo upang manirahan dito."

Tama nga ang sinabi ng inahing manok.  Sapagkat kinabukasan nga'y walang mga kapit-bahay na dumating upang tumulong sa pag-ani ng magsasaka. 

"Kung hindi ko maasahan ang aking mga kapit-bahay, sa aking mga kamag-anak ako lalapit upang humingi ng tulong sa isasagawa kong pag-ani bukas!"

"Narinig ng mga sisiw ang sinabi ng magsasaka at dali-daling iminungkahi sa kanilang ina.  Ngunit muli, hindi nabahala ang inahing manok at sinabing, "Kung sa mga kamag-anak lamang siya aasa hindi magsisipagsunod ang mga iyon!  May mga trabaho ring dapat asikasuhin ang mga iyon at tiyak na hindi maasahan.  May panahon pa tayo para manirahan dito mga anak!"

Kinabukasan nga'y tama uli ang sinabi ni inahing manok.  Walang kamag-anak na dumating ang magsasaka upang tulungan siya sa pag-ani sa maisan.

Dahil dito, napilitan ang magsasakang tawagin ang kanyang anak at sinabing, "Bukas na bukas din, tayong dalawa na lamang ang aani sa ating pananim.   Wala tayong ibang maaasahan kundi ang ating mga sarili!"

Nang marinig iyon ng mga sisiw, dali-dali silang nagtungo sa kanilang ina at iminungkahi rito ang sinabi ng magsasaka.


Noon nagdesisyon ang inahing manok na lumisan sila sa lugar na iyon, at sinabing, "Kung sinabi ng magsasaka na siya na ang gagawa ng pag-ani, dapat tayong maniwala! Sapagkat totoong walang sinuman siyang maaasahan kundi ang kanyang sarili!"

PABULA: Ang Pagong at ang Kuneho


Isang hapon, nagkita si Pagong at si Kuneho sa daan. Biniro ni Kuneho si Pagong sa kanyang maliliit na paa na naging dahilan kung bakit napakabagal niyang maglakad.

Nainsulto si Pagong sa mga biro ni Kuneho. Sa kagustuhan ni Pagong na patunayang mali si Kuneho sa kanyang mga paratang, hinamon niya si Kuneho at nagsabing, "Kung gusto mong subukin ang aking kakayahan, bakit hindi natin daanin sa isang paligsahan. Maaaring mabilis ka subalit malakas naman ang aking resistensya," ang hamon ni Pagong.

"Anong paligsahan ang nais mo?" tanong ni Kuneho.

"Kung gusto mo ay unahan na lang tayong makarating sa tuktok ng ikatlong bundok," sagot ni Pagong.

Nagalak si Kuneho sa hamon ni Pagong. Tiwala sa sariling magagapi niya si Pagong sa paligsahan. 
Bawat isa sa kanila ay nangumbida ng kanilang mga kaibigan upang saksihan ang kagila-gilalas na paligsahan.

Kinabukasan, umagang-umaga, marami ang nagsidalo. Dumating ang kalabaw na minsan na ring nakalaban ni Pagong, ang kabayo, baboy, palaka, bibe, manok, aso, pusa, kambing, baka, pato, lawin, usa, baboy ramo at marami pang iba. Hindi, magkamayaw ang mga hayop sa kasiyahan. Noon lang sila makakapanood ng ganoong klaseng labanan.

Ang unggoy ang nagbigay-hudyat ng pasimula ng paligsahan.

Sa pasimula pa lang ay naiwan na nang malayo si Pagong. Halos hindi na makita ni Kuneho si Pagong dahil sa kalayuan ng kanilang pagitan.

Narating ni Kuneho ang tuktok ng ikalawang bundok. Hindi na niya matanaw si Pagong.

"Ah, mabuti pa ay mamahinga muna ako. Malayo pa naman si pagong. Napakalayo ng agwat naming dalawa." ang sabi ni Kuneho sa kanyang sarili.

Naupo si Kuneho sa ilalim ng isang puno. Nang dahil sa kapaguran, hindi niya namalayang siya ay naidlip.

Samantala, si Pagong ay nakarating sa tuktok ng ikalawang bundok nang magtatanghali. Inabutan pa niya si Kunehong naghihilik. Himbing na himbing si Kuneho. Dala marahil ng kanyang kapaguran.
Magdadapit-hapon na nang matanaw ni Pagong ang rurok ng ikatlong bundok. Malapit na siya.
Noon palang nagising si Kuneho. Tinanaw niya ang ibaba ng bundok sa pag-aakalang nandoon pa rin si Pagong subalit wala pa rin. Sinimulan na niya muling tumakbo. Takbong walang pahinga. Laking gulat niya ng abutan niya si Pagong sa ituktok ng ikatlong bundok na namamahinga na. Hiyawan ang lahat ng hayop. Lahat sila ay bumati kay Pagong.

Si Kuneho naman ay hiyang-hiya sa pangyayari. Humingi siya ng paumanhin kay Pagong sa ginawa niyang pang-iinsulto. Simula noon ay nagging halimbawa na ng mga hayop na hindi dapat maliitin ang kanilang kapwa.

Anong Aral ang inyong napulot sa kuwentong ito?

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...

Translate