MANILA, Philippines — MAHIRAP mag-ipon lalo na ngayong panahon na mahal na ang halos lahat na mga bilihin. Ngunit may kasabihan din na kung gusto, may paraan; at kung ayaw ay may dahilan.
Ngayong bagong taon, maraming ipon challenge ang nagsisilabasan sa social media na talagang nakaka-inspired sa maraming Filipino.
Alam mo ba sa ipon challenge, hindi lamang financial goal ang nakakamit dahil nagkakaroon ka din ng disiplina at magiging kaugalian na ang regular na pag-iipon.
Maraming dahilan kung bakit nahihikayat tayong mag-ipon. May nag-iipon dahil gustong makapag-bakasyon sa abroad, magpakasal, magkaroon ng downpayment sa pinapangarap na bahay o sasakyan o pang-kapital sa maliit na negosyo.
Ano nga ba ang Ipon Challenge?
Ang ipon challenge ay isang istratehiya ng pag-iipon kung saan may sinusunod na aktibidad o patern sa buong taon. Hindi kagaya ng karaniwang pag-iipon, ginagawang regular ang ipon challenge upang manatili kang stay-on track sa iyong savings at makamit ang iyong target na halaga ngayong taon.
Ads
Narito ang anim Ipon Challenge na maaari mong pagpilian ngayong taon!
1. 52-Week Ipon Challenge!
Popular ang ipon challenge na ito sa mga Filipino. Kada linggo, tumataas ang inilalagay sa ipon hanggang sa makamit mo ang goal mo sa katapusan ng taon. Flexible din ang ipon challenge na ito dahil maaari kang mag-simula sa piso o kahit magkano depende sa kung ano ang makakaya mo kada linggo.
Sa ipon challenge na ito, maaari kang makapag-ipon ng P60,000 o higit pa.
Narito ang mga printable chart na maaari mong i-print!
2. Twice-a-Month o Kinsenas Ipon Challenge
Sa mga nagsasahod ng dalawang beses kada buwan, magandang simulan ngayong taon ang kinsenas o twice-a-month ipon challenge.
Maaari kang makapag-ipon ng P15,000 hanggang P150,000 sa loob ng isang taon.
Sa ipon challenge na ito, maaaring magsisimula ka sa P50 o P100 hanggang sa P500 o P1,000 kada sahod. Maaaring taasan ang hinuhulog sa ipon depende sa tinatanggap na sahod kada buwan.
Mas madali itong sundin kung ihahambing sa 52-week money challenge dahil mula sa 52 weeks, magiging 24 weeks lamang ang iyong paghuhulog o dalawang beses kada buwan o kada sahod.
3. 12-Month Saving Challenge
Naka-depende sa iyong monthly income ang 12-month ipon challenge na ito na itinuturing na mas practical kung ihahambing sa 52-week ipon challenge. Sa ipon challenge na ito, aalamin mo kung magkano ang halagang maiipon mo kada buwan at dadagdagan ng 1% kada buwan hanggang sa umabot ng 12% pagkatapos ng taon.
Ads
Sponsored Links
4. 365-Day Ipon Challenge
Ang maiipon mo sa ipon challenge na ito ay depende sa kung magkano ang maitatabi mo kada araw. Mas simple ang ipon challenge na ito dahil kailangan mo lamang magkaroon ng fixed amount na iipunin kada araw. Maaari kang mag-ipon ng P10 kada araw o katumbas ng P3, 650 sa buong taon o P1,000 na katumbas naman ng P36, 500.
5. 50 Peso Ipon Challenge
Maaari kang makapag-ipon ng P2,600 kung mag-iipon ka ng P50 kada linggo o P18, 250 kung araw-araw kang magtatabi ng P50.
Kung gusto mo namang mapalaki ang ipon mo gamit ang P50 maaari mong gawin ang "invisible P50" o lahat na P50 peso bills na mapapasakamay mo ay mapupunta agad sa alkansiya. Sa ipon challenge na ito, talagang maso-sorpresa ka sa total savings na maaari mong makuha pagkatapos ng taon.
6. Loose Change Ipon Challenge
Ang maiipon mo sa challenge na ito ay depensa kung magkano ang mga baryang makokolekta mo sa buong taon. Ito yong pinaka-simpleng ipon challenge dahil kahit mga bata ay magagawa ito. Bumili o gumawa lamang ng alkansiya at ilagay dito ang mga baryang natatanggap. Hindi man kalakihan ang maiipon mo kung ihahambing sa mga naunang ipon challenge ngunit mai-engganyo kang mag-ipon.
May napili ka na ba sa mga ipon challenge na ito? Hindi pa huli ang lahat para simulan ang pag-iipon ngayong taon. Sa pamamagitan ng mga ipon challenge na ito, matutulungan mo ang iyong sarili na mag-ipon upang may magamit sa panahon ng pangangailangan at maka-iwas sa pangungutang.
Siguruhin din na ilagay ang pera sa ligtas na lugar kung nag-a-alkansiya sa bahay o sa mga bank accounts na nagkakaroon ng interes.
©2020 THOUGHTSKOTO