Nothing Special   »   [go: up one dir, main page]

Pumunta sa nilalaman

Alkali

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya

Sa larangan ng kimika, ang alkali (bigkas: /al-ka-lay/) ay ang may tubig o matubig na solusyon na mayroong halaga ng pH na mahigit sa pito. Ang salitang alkali ay mula sa salitang Arabeng[1] qali, na ang kahulugan ay "mula sa mga abo" dahil sa ang mga abo na inihalo sa tubig na ginagamit na panlinis ng mga produkto (katulad ng mga sabon) ay gawa mula sa mga materyal na alkali. May kaugnayan sa alkali ang mga salitang alkalina, alkalinidad at alkaloid.

Ang alkali ay ang kung saan ang base ay nilulusaw sa tubig. Madalas na ito ay ang asin ng isang metal na alkali. Ang alkali ay ang kabaligtaran ng isang asido at maaaring neutralisahin (mapababa ang pH upang maging 7) sa pamamagitan ng pagdaragdag ng asido.[1]

Mga katangian

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Ang alkali ay masabon sa pagsalat. Ito ay nakakaagnas (masusunog nito ang balat).[1] Kapag mas mataas ang bilang ng pH sa pito, mas malakas ang alkali. Madali itong malusaw sa tubig. Maryoon itong mapait na lasa. Napapalitan nito ang kulay na pula ng papel na litmus upang maging bughaw. Maaaring itong magkondukto o magpadaloy ng kuryente dahil sa pagkakaroon ng mga ionong napapakilos o naililipat (mobile). Kulay asul o purpura ito sa indikador na unibersal.

Lakas ng alkali

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Mapag-aalaman ang antas ng lakas o tapang ng alkali sa pamamagitan ng pagdaragdag ng unibersal na indikador dito. Ang ilan sa mga indikador na unibersal ay maaaring ibuhos sa mga alkali at ang ilan ay maaaring ibabad sa papel, at ang papel ang siyang idirikit sa alkali. Halimbawa, ang sabon at ang toothpaste (kremang pansipilyo) ay mga alkali na mahina ang kapangyarihan. Ang lihiya ay isang malakas na alkali.

Mga halimbawa

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Ang mga halimbawa ng karaniwang mga alkali ay ang sodium hydroxide (NaOH), potassium hydroxide (KOH), calcium hydroxide (Ca(OH)2) at ang aqueous ammonia (NH3) (aq). Marahil ang pinaka pangkaraniwang mga halimbawa ay ang bicarbonate ng soda (baking soda, o sodang panghurno) at ang carbonate ng soda (washing soda, sodang panghugas). Ang mga alkali na ito at iba pang mga alkali ay ginagamit sa larangan ng medisina, na sa mas kadalasan ay may kaugnayan sa mga kaso ng pangangasim o kaasiman (acidity sa Ingles); sapagkat kapag ang alkali ay nakatagpo ng asido, ang dalawa ay nagsasama at bumubuo ng isang bagong sustansiya o bagay na kung tawagin sa kimika bilang asin. Ang asin na nabubuo ay walang mga katangian ng alkali at ng asido, na ang ibig sabihin ay nanuneutralisa nila ang isa't isa.[1]

Gamit ng karaniwang mga alkali

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Ang sodium hydroxide ay ginagamit sa paggawa ng papel, mga detergent, at mga sabon. Ang potassium hydroxide ay ginagamit sa pagsasaka upang magawang mas alkalina ang mga lupang asidiko o "maasim" upang ang mga halaman ay mas mainam ang maging paglaki mula sa lupang iyon. Ang calcium carbonate ay ginagamit bilang isang materyal na panggusali. Ang magnesium hydroxide ay ginagamit sa pagtulong sa paglunas ng mga pananakit ng tiyan o indihestiyon (hindi natunawan). Nagagawa nitong mabawasan ang pagkaasim ng mga nilalaman ng tiyan.

Mga oxide at mga hydroxide

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Ang mga oxide na metal at mga hydroxide na metal ay dalawang mga uri ng base. Kapag naneutralisa (idinaragdag ang isang asido) nakalilikha sila ng asin at tubig. Ang uri ng nalilikhang asin ay nakadepende sa asido at sa base.[1]

Pagkalason dahil sa alkali

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Ang sodang kawstiko (caustic soda), potash na kawstiko, malakas na ammonia, at mga katugmang carbonate ay malalakas na mga alkali ng gumaganap bilang mga lasong korosibo o nakakaagnas. Nasisira ng mga ito ang tisyu ng balat na nadirikitan ng mga ito. Dahil sa katangiang ito hindi binibigyan ang pasyente ng mga emetiko, bagkus (habang naghihintay ng manggagamot) ang ibinibigay na antidote o panlaban ay mga mahihinang asido, suka, lemon, o katas ng lime na inihalo sa humigit-kumulang na isang pinta (pint) ng tubig. Sinusundan ito ng payak na mga likidong katulad ng gatas, puti ng itlog na binati sa tubig, tubig na may sebada (barley), manipis na arrowroot (literal na "ugat ng pana"), lugaw (gruel), langis ng olibo, o langis ng linseed (mula sa halamang flax). Maaaring lagyan ng pumento (pamento) o tapal ang ibabaw ng puson para malunasan ang pananakit. Kung may kahirapan sa paghinga, nilalapatan ang lalamunan ng bimpo o espongha na binasa ng mainit na tubig. Ang pasyente ay pinananatiling may mainit na katawan. Nilalagyan ng mga boteng may mainit na tubig ang mga paa ng pasyente.[1]

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. 1.0 1.1 1.2 1.3 1.4 1.5 Robinson, Victor, Ph.C., M.D. (patnugot). (1939). "Alkali". The Modern Home Physician, A New Encyclopedia of Medical Knowledge. WM. H. Wise & Company (New York)., pahina 25.