Nothing Special   »   [go: up one dir, main page]

Ang yoga ay isang paniniwala at gawain ng pagdidisiplina sa katawan at isipan.[1] Isa itong matanda o isinaunang disiplinang nagmula pa sa Indiya na gumagamit ng mga teknik o pamamaraan sa paghinga, ehersisyo, at meditasyon, at pinaniniwalaang nakapagpapainam ng kalusugan at nakapagbibigay ng kasiyahan. Isang salitang Sanskrito ang yoga na may ibig sabihing unyon o pag-iisa. Si Patanjali ang tagapanimula ng klasikong yoga, na nagbigay kahulugan sa yoga bilang ang pagtatanggal, pagtatapos, o paghinto ng pagbabago sa isipan o kaisipan.

Isang lalaking nagyoyoga.

Sa pangkalahatan, tinatawag na yogi ang isang taong nagyoyoga[1], bagaman maaari rin itong tumukoy sa isang lalaking nagsasanay o nagsasagawa ng sari-saring mga anyo ng daan ng yoga. Bukod sa yogi, tinatawag ding yogin ang lalaking nagyoyoga. Yogini ang katuringan sa isang babaeng nagyoyoga. Nagpapanatili ang yogi ng matatag o hindi nagbabagong isipan, ang proseso ng pagaangat ng mababang sarili. Sa karamihan ng mga pagkakataon, nilalaan ang ganitong mga katawagan para sa mga nasa mas masulong na mga tagapagsagawa ng yoga o mga taong araw-araw na nagyoyoga. Nilalarawan din ng mga pantawag na ito ang mga Budistang monghe o sinumang pangkaraniwang tao o may-tahanang nakatuon o deboto sa meditasyon.

Binibigyang kahulugan sa teskto ng Shiva-Samhita ang yogi bilang isang maalam o nakaaalam na nakalagay ang buong kosmos sa loob ng kanyang katawan. Sa Yoga-Shikha-Upanishad, nilalarawan ang dalawang mga uri ng yogin: yaong mga tumutusok sa "araw" (surya) sa pamamagitan ng iba't ibang mga uri ng teknik ng yoga, at sa iyung mga nakapupunta sa pintuan ng panggitnang konduwit (sushumna-nadi, daanan o daluyan) at umiinom ng nektar.[2]

Mga sanggunian

baguhin
  1. 1.0 1.1 Gaboy, Luciano L. Yoga, yogi - Gabby's Dictionary: Praktikal na Talahuluganang Ingles-Filipino ni Gabby/Gabby's Practical English-Filipino Dictionary, GabbyDictionary.com.
  2. The Shambhala Encyclopedia of Yoga, Shambhala Publications, Boston, 2000, p. 350.