Nothing Special   »   [go: up one dir, main page]

Napoleon I ng Pransiya

(Idinirekta mula sa Napoleon I)

Si Napoleon I (ipinanganak na Napoleone di Buonaparte, na naging Napoleon Bonaparte) (15 Agosto 1769 - 5 Mayo 1821) ay ang unang emperador ng Unang Imperyong Pranses ng Pransiya, unang hari ng Italya, tagapamagitan ng Kumpederasyong Suwiso at unang tagapagtanggol ng Kumpederasyon sa Rhine (kalaunan ay nagkaisa bilang Alemanya noong 1871). Ang kanyang mga nagawa ay nagdulot ng napakalaking pagbabago sa politika ng Europa sa ikalabingsiyam na siglo.

Napoleon I
Emperador ng mga Pranses; Hari ng Italya,
Tagapamagitan ng Kumpederasyong Suwiso,
Tagapagtanggol ng Kumpederasyon ng mga Rhine
Ang Emperador Napoleon I nang siya ay ginawaran ng korona noong 1807
Paghahari20 Marso 1804 – 6 Abril 1814
1 Marso 1815 – 22 Hunyo 1815
Koronasyon2 Disyembre 1804
Buong pangalanNapoleone di Buonaparte
Napoleon Bonaparte
PinaglibinganLes Invalides, Paris
SinundanKonsuladong Pranses (Tagapagpaganap ng Unang Republikang Pranses, kung saan si Napoleon I ang unang konsul);
Dating namahala bilang Hari : Louis XVI bilang Hari ng mga Pranses (namatay 1793)
KahaliliLouis XVIII (de facto)
Napoleon II (de jure)
Konsorte kayJoséphine de Beauharnais
Marie Louise ng Austria
SuplingNapoleon II ng Pransiya
AmaCarlo Buonaparte
InaLetizia Ramolino

Si Napoleon I ay isinilang sa Corsica at nagsanay bilang hukbo ng sandatahang lakas ng Pransiya sa ilalim ng Unang Republikang Pranses at isa sa mga matagumpay na pinuno ng hukbo na tumalo sa Una at Ikalawang mga Koalisyon laban sa pamahalaan ng Pransiya. Noong 1799, pinamunuan niya ang isang kudeta at iniluklok ang sarili bilang unang Konsul ng Pransiya; pagkalipas ng limang taon, bilang Emperador ng mga Pranses. Sa pagpasok ng mga unang dekada ng ikalabingsiyam na siglo, matagumpay niyang nilabanan ang mga makapangyarihang bansa sa Europa kasabay ng pagtatatag ng Imperyong Pranses.

Ang Pananalakay ng mga Pranses sa Rusya noong 1812 ang naging hudyat ng pagbabago ng kanyang kapalaran. Noong 1813, tinalo ng Ikaanim na Koalisyon ang kanyang hukbo sa labanan sa Leipzig; noong 1814, sinalakay ng koalisyon ang Pransiya kung saan ay napuwersa si Napoleon I na iwanan ang trono at magtungo nang palihim sa isla ng Elba. Makalipas ang kalahating taon, tumakas siya sa Elba at muling umakyat sa kapangyarihan, ngunit siya ay tuluyang natalo sa pamosong labanan sa Waterloo, Belhika noong Hunyo 1815. Siya ay ipinatapon ng pumalit na haring Bourbon sa isla ng Saint Helena sa ilalim ng mga bantay na Briton. Ilang aral ang nag-imbestiga sa kaso ng kamatayan ni Napoleon I, kung saan siya ay pinatunayang namatay sa kanser sa bituka, ngunit ayon naman kay Sten Forshufvud, siya ay namatay dahil sa paglason gamit ang arseniko.

Ang kaguluhan sa Europa na idinulot ng malawakang pananakop ni Napoleon I ay nagdulot ng malaking pagbabago sa sistemang politika ng mga nasakop na mga bansa: ang kanyang mga istilo sa kampanyang pangdigmaan ay inaral ng iba't ibang paaralang pang-militar. Ginamit rin ang kanyang kodigong Napoleonic bilang batayan ng batasan ng mga kasalukuyang mga bansa.


Pinagmulan

baguhin
 
Ama ni Napoleon I, si Carlo Buonaparte. Siya ay nagsilbing kinatawan ng Corsica sa batasan ni Haring Louis XVI ng Pransiya.

Si Napoleon Bonaparte ay isinilang bilang ikalawang anak sa pitong mga magkakapatid sa Casa Bonaparte sa Ajaccio, Corsica noong 15 Agosto 1769, isang taon mula nang pormal na ibinigay ng Republika ng Genoa ang isla sa pamahalaan ng Pransiya.[1] Dahil dito, una siyang tinawag bilang Napoleone di Buonaparte, ngunit binago rin ito sa istilong Pranses na Napoleon Bonaparte.[diin 1]

Ang pamilyang Bonaparte ay nagmula sa mababang kamaharlikahan na nanggaling sa Corsica noong ika-labing-anim na siglo.[3] Ang kanyang ama, si Nobile Carlo Buonaparte na isang manananggol, ay itinanghal na kinatawan ng lalawigan ng Corsica para sa batasan ni Louis XVI ng Pransiya noong 1777. Ang kanyang ina naman na si Maria Letizia Ramolino ay ang tanging taong nagpasunod sa katigasan ng kanyang ulo.[4] Ang kanyang mga kapatid ay sina Joseph (na naging Hari ng Espanya), Lucien, Elisa, Louis, Pauline, Caroline at Jérôme. Siya ay bininyagan bilang Katoliko ilang buwan bago siya mag-dalawang taong gulang sa Ajaccio Cathedral noong 21 Hulyo 1771.[5]

Dahil sa katayuan sa buhay, naranasan ni Napoleon I ang mga kariwasaan.[6] Noong Enero 1779, nag-aral siya sa isang relihiyosong paaralan sa Autun, sa Pransiya, upang matuto ng wikang Pranses, at noong Mayo, pumasok siya sa isang paaralang militar sa Brienne-le-Château.[7] Sa pagtatapos ng kanyang pag-aaral sa Brienne noong 1784, natanggap si Napoleon I sa École Militaire sa Paris kung saan napagpasyahan niyang sumubok pumasok sa Paaralang Pandagat ng Britanya.[8] Sa halip na ituloy ang aplikasyon, nagsanay na lamang siya bilang pinuno ng artilyeriya sa pamamagitan ng dalawang taong kurso; ngunit ang kamatayan ng kanyang ama ang naging dahilan upang umikli ang pag-aaral niya ng isang taon.[9] Siya ay tinuos ng pamosong siyentipikong si Pierre-Simon Laplace na pinili rin niya sa Senado nang siya ay naluklok sa trono.[10]

Unang karera

baguhin

Sa kanyang pagtatapos noong Setyembre 1785, si Napoleon I ay hinirang bilang ikalawang tinyente sa rehimente artilyeriyang La Fère.[7][diin 2] Nagsilbi siya sa isang garison sa Valence, Drôme at Auxonne hanggang sa pagsiklab ng Himagsikang Pranses noong 1789, kung saan ay nagpabalik-balik siya sa Corsica at Paris.

Nanatili siya sa Corsica sa mga unang taon ng Himagsikan, habang nilalabanan ang mga maka-hari, rebolusyonaryo at mga separatistang Corsican. Sinuportahan niya ang samahang Jacobin, umangat patungo sa ranggong tinyente koronel at pinamunuan ang batalyon ng mga nagkusang lumaban. Pagkatapos niyang malagpasan ang itinakdang leave of absence at matagumpay na pinamunuan ang gulo ng mga sundalong Pranses sa Corsica, nakuha niya ang simpatiya ng mga nakatataas sa Paris kung saan siya ay hinirang bilang Kapitan noong Hulyo 1792.[12] Nagbalik siyang muli sa Corsica, at nakasagupa si Paoli (isang Pranses na nagtataguyod ng paghiwalay ng Corsica mula sa Pransiya sa pamamagitan ng pananabotahe sa plotang pandigma ng Pransiya na sasalakay sana sa isla ng Sardinia at La Maddalena, at si Bonaparte ay isa mga pinuno ng ekspedisyon).[13] Noong Hunyo 1793, ang buong pamilyang Bonaparte ay kinailangang magtungo sa lupaing Pransiya dahil sa gulong kinasangkutan kay Paoli.[14]

Pagkubkob sa Toulon

baguhin
 
Pasquale Paoli, iginuhit ni Richard Cosway

Noong Hulyo 1793, nilimbag niya ang Le Souper de Beaucaire (Ang Hapunan sa Beaucaire) na naglalaman ng mga kaalaman na kampi sa republica (pro-republican); ito ay nagbigay sa kanya ng pagkagiliw at admirasyon mula kay Augustin Robespierre, ang nakababatang kapatid ng lider ng Himagsikan[15] na si Maximilien Robespierre. Sa tulong ng kababayang si Antoine Christophe Saliceti, napili si Bonaparte na maging pinuno ng artilyeriya ng mga pwersang maka-republika sa pagkubkob sa Toulon. Nag-alsa ang siyudad laban sa pamahalaan kung saan ito ay nakuha ng mga hukbong Briton.[16] Sa parehong taon, siya ay ipinagkasundo kay Désirée Clary, isang anak ng mayamang mangangalakal na Marselyano.[17] Ang kapatid ni Clary na si Julie Clary ay asawa ng mas nakatatandang kapatid ni Napoleon na si Joseph Bonaparte noong 1794. Ang mga Clary ay pamilya ng mga mangangalakal mula sa Marseilles.[17]

13 Vendémiaire

baguhin
Larawang-guhit ng kalsada kung saan maraming usok at abo sa paligid dahil sa mga paputok at armas na ginamit ng hukbong republikano na lumalaban sa mga royalista. 
Ang Journée of 13 Vendémiaire, Taon 4. Ang Simbahang Saint-Roch, Rue Saint-Honoré, Paris.

Matapos ang pagbagsak ng magkapatid na Robespierre noong Reaksiyong Thermidorean noong Hulyo 1794, si Bonaparte ay inilagay sa isang house arrest dahil sa paniniwalang kakuntsaba siya ng magkapatid na ito.[18][19] Noong Abril 1795, itinalaga siya sa Hukbo ng Kanluran para sumabak sa Digmaang Vendée (isang digmaang-sibil na mayroong pagsupil mula sa mga royalista sa bahaging Vendée ng Pransiya). Batay sa tradisyong militar, ito ay ang pagbaba ng kanyang ranggo mula sa pagiging heneral ng artilyeriya, kaya nagdahilan siya na mayroon siyang sakit upang hindi mapadala sa rehiyon.[20] Sa halip ay napunta siya sa Kawanihan ng Topograpiya (Bureau of Topography) sa Komisyon ng Pang-madlang Kaligtasan (Committee of Public Safety) at hiniling, bagamat hindi siya nagtagumpay, na ipadala na lamang siya sa Constantinople upang mapagsilbihan ang Sultang Ottoman.[21] Sa pagitan ng mga panahong ito, kinatha niya ang romantikong kuwento, ang Clisson et Eugénie, isang nobela na patungkol sa isang sundalo at kanyang iniibig, kung saan ito ay may malaking pagkakahawig sa kanilang relasyon ni Désirée.[22]. Noong 15 Setyembre ng parehong taon, siya ay inalis sa listahan ng mga heneral ng bansa dahilan sa kanyang pagtanggi sa pagpapadala sa kanya sa Vendée. Buhat noon, napunta na sa kagipitan ang buhay personal at pinansiyal ni Bonaparte.[23]

Noong 3 Oktubre, nagsagawa ng rebelyon ang mga royalista sa Paris laban sa Pambansang Kumbensiyon matapos na alisin sila ng karapatan na makasali sa bagong pamahalaan ng Pransiya, ang Direktoryo (French Directory).[24]

Talababa

baguhin
  1. Siya ay tinawag na Nabolione sa Korsikano.[2]
  2. Siya ay tinawag pa rin Napoleon Bonaparte hanggang sa siya ay maging Unang Konsul.[11]

Unang talababa

baguhin
  1. McLynn 1998, p.6
  2. Asprey 2000, p.4
  3. McLynn 1998, p.2
  4. Cronin 1994, p.20–21
  5. "Cathedral—Ajaccio". La Fondation Napoléon. Nakuha noong 2008-05-31.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  6. Cronin 1994, p.27
  7. 7.0 7.1 Roberts 2001, p.xvi
  8. McLynn 1998, p.23
  9. Hibbert 1998, p.21–2
  10. McLynn 1998, p.26
  11. Asprey 2000, p.13
  12. McLynn 1998, p.55
  13. McLynn 1998, p.61
  14. Roberts 2001, p.xviii
  15. Himagsikang Pranses. Lahat ng salitang Himagsikan dito na may malaking "H" ay tumutukoy sa Himagsikan o Rebolusyong Pranses.
  16. Schom 1998, p.16
  17. 17.0 17.1 McLynn 1998, p.103
  18. Dwyer 2008, p.155
  19. Schom 1998, p.25
  20. McLynn 1998, p.92
  21. Schom 1998, p.26
  22. Dwyer 2008, p.164
  23. McLynn 1998, p.93
  24. McLynn 1998, p.96

Mga kawing

baguhin