Arkitekturang Gotiko
Ang arkitekturaang Gotiko ay isang estilo ng arkitektura na lumaganap sa Europa habang Mataas at Huling Gitnang Kapanahunan. Umusbong ang estilo mula sa arkitekturang Romaniko at sinundan naman ng arkitekturang Renasimiyento. Nagmula ito sa Pransiya noong ika-12 siglo at tumagal hanggang sa ika-16 na siglo.
Years active | ika-12-ika-14 na siglo |
---|---|
Influenced | Eugène Viollet-le-Duc |
Kasama sa mga pinakatanyag na katangian nito ay ang paggamit ng rib vault at ang lumilipad na tukod, na nagpahintulot na ang bigat ng bubong ay masuportahan at makontrabalanse ng mga tukod sa labas ng nabe, na nagpapahintulot ng mas matataas na mga gusali at mas malawak na espasyo para sa mga bintana.[1] Isa pang mahalagang katangian ay ang malawakang paggamit ng minantsahang salamin, at ng rosas na bintana, upang magdala ng ilaw at kulay sa looban. Isa pang katangian ay ang paggamit ng makatotohanang mga estatwa sa labas, lalo na sa mga portada, upang magpakita ng mga kuwento ng Bibliya para sa mga 'di-nakababasang mga parokyano. Nariyan na ang mga teknolohiyang ito noong arkitekturang Romaniko, ngunit ginamit ito sa mas maparaan at mas madalas na paraan sa arkitekturang Gotiko upang gawing mas mataas, mas magaan, at mas matibay ang mga gusali.
Ang kadalasang unang natatanging halimbawa ay ang Abadiya ng Saint-Denis, malapit sa Paris, na kung saan ang koro at ang patsada ay muling itinayo nang may mga katangiang Gotiko. Ang koro ay natapos noong 1144. Ang estilo ay naipakita rin sa ilang sibikong mga gusali sa hilagang Europa, na mapapansin sa mga munisipyo at mga gusali ng mga pamantasan. Isang pagsasabuhay ng Gotiko (Neo-Gotiko) ang nasimulan noong gitna ng ika-18 siglo sa Inglatera na kumalat sa ika-19 na siglo sa Europa at nagpatuloy, kalakhan para sa mga estrukturang eklesiyastiko at pang-unibersidad, hanggang sa ika-20 siglo.
Mga sanggunian
baguhin- ↑ Ducher 1988, p. 46.